Pagbubukas ng SIPTT ng MMDA, Inulan ng Reklamo

INULAN NG reklamo ang pagbubukas ng Southwest Integrated Provincial Transport Terminal sa may Coastal Mall sa Parañaque City.

Ito kasi ang pagbawal sa mga bus mula Cavite at Batangas na makapasok sa EDSA kaya ang mga pasahero ay kailangan nang bumaba sa terminal at sumakay ng city buses sa labas ng Coastal Mall kung pa-EDSA, ng UV Express sa loading bay kung pa-Maynila o ‘di kaya’y mag-footbridge at mag-abang ng masasakyan sa tapat ng Bayview Tower sa Roxas Boulevard kung pa-Lawton.

Sumakay mismo ng bus mula Dasmariñas si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino para busisiin ang unang araw ng paggamit sa terminal.

Sa bus pa lang, inulan na siya ng reklamo ng mga nanggagalaiting pasahero.

Anila, sila ang mahihirapan sa nasabing bagong proyekto.

Sa terminal naman, bagama’t may mga guma-gabay sa mga pasahero, todo-reklamo pa rin sila lalo’t kinailangan nilang maglakad sa gilid ng Coastal Mall na walang bubong habang umuulan.

May bahagi pa roon na nahirapang makatawid ang mga pasahero dahil sa malalim na tubig-baha.

Nagkaroon din ng aberya ang bagong terminal para sa mga pasaherong may sakit at may dalang bata.

Bukod sa naturang reklamo ng mga pasahero, kapansin-pansin din ang kalituhan ng mga bus driver sa pasukan sa terminal.

Umaasa rin ang Cavite Bus Operators Association na makikita ng mga kinauukulan ang suliranin sa pagbubukas ng bagong terminal.

Ayon pa sa MMDA chairman, pinag-aralang mabuti ang proyekto at magbabawas ito ng 1,000 provincial buses sa EDSA.

Naniniwala rin si Tolentino na mararamdaman ang pagluwag ng trapiko sa EDSA sa oras na mabuksan na ang dalawa pang provincial bus terminals, bukod sa Southwest.

Samantala, makakabawas din aniya ito sa polusyon sa Kamaynilaan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.