Pagbangon ng mga Sinalanta ng Bagyo, Focus ng Gobyerno

PERSONAL NA inikot ni Pangulong Benigno ‘Noynoy Aquino III ang mga kababayang biktima ng kalamidad sa bayan ng Guiuan, Eastern Samar.

Hinggil dito, muling tiniyak ng punong ehekutibo ang tulong ng gobyerno sa lahat ng mga nasalanta ng super typhoon Yolanda.

Ayon sa pangulo, sinisikap ng pamahalaan na mapabilis pa ang ginagawang relief efforts at rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta.

“Ang focus ng gob-yerno ay kung paano kayo maibalik sa mas maayos na kundisyon sa lalong madaling panahon,” pahayag ni PNoy.

Ipinagmalaki pa nito na may sapat na resources ang pamahalaan at patuloy rin aniyang bumubuhos ang tulong mula sa iba’t ibang sektor, kasama na ang international community.

Pinamamadali rin ni Pangulong Aquino ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa bayan bagama’t una nang tinayang aabutin ito ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Nais din ng pangulo na makapaglikha ng trabaho para sa mga apektadong mamamayan.

Samantala, kasama ng Pangulong Aquino sina Speaker Feliciano Belmonte Jr., Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson, Presidential Management Staff (PMS) Sec. Julia Abad, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Cristino Naguiat Jr.  at Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.