Pagbaligtad ng Witness sa Ruby Rose Case, Kasinungalingan

ISANG MALAKING kasinungalingan para sa Pamilya Barrameda ang ginawang pagbaligtad ng tinaguriang star witness sa kaso ng pagpaslang kay Ruby Rose Barrameda.

Matatandaan na noong Marso 13 nang maghain ng apat-na-pahinang notice of withdrawal of consent and testimony sa Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 170 si Manuel Montero kung saan binabawi na nito ang mga naging salaysay noong Mayo 28 at Hunyo 11, 2009.

Sa isang pahayag ng kapatid ng biktima na si Rochelle Barrameda, matinding pagtataka at galit ang binitiwan nito kasunod ng pagbaligtad ni Montero.

Kabilang sa mga binawi ni Montero sa kanyang naunang pahayag ay kilala niya ang mga akusado, alam niyang may drum at iba pang detalye.

Taong 2007 nang paslangin si Ruby Rose Barrameda na isinimento sa loob ng isang drum at inihulog sa tubig sa Navotas.

Aminado naman si Rochelle na maraming pagtatangka at alok para bumaligtad si Montero noong lumutang pa lang ito.

Maging ang kanilang ama aniya na naging malapit na kay Montero ay hindi makapaniwala sa ginawa nito.

Panghihinayang pa ni Rochelle, nangyari ang pagbawi ni Montero kung kailan naresolba na ang kaso sa Court of Appeals (CA) at tutuloy na ang pagdinig matapos ang isang taon at tatlong buwan ding pagkakahinto dahil sa injunction ng korte.

Samantala, tiwala rin si Barrameda na hindi basta-basta ilalaglag ni Montero ang naunang testimonya dahil ginawa pa nga itong state witness at isinailalim pa sa proteksyon ng mga kinauukulan.

Sa ngayon, sa tingin ni Rochelle, posibleng bumalik sa pagiging suspek si Montero.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.