Pagbaha sa Laguna, May Solusyon – Egay San Luis

SA ISANG pagpupulong na ginanap sa House of Representatives kahapon ng umaga, sinabi ni Cong. Egay San Luis na maaaring matugunan na ang problema sa pagbaha sa baybayin ng Laguna Lake. Ang pulong ay naging malayang talakayang nagbunga ng konkretong aksyon sa mas malaliman pang pag-aaral na dinaluhan ni Gov. Jonvic Remulla ng Cavite, Dr. Mahar Lagmay ng Project Noah at ng National Irrigation Administration (NIA).

Sa ginawang paliwanag ni Egay San Luis, kasalukuyang kandidato ng Partido Liberal sa pagkagobernador ng Laguna, na hindi na dapat magbulag-bulagan ang mga opisyal ng lalawigan sa paglutas ng nasabing problema. Totoong may mga pangmatagalang solusyon na pinaplano na subalit ang mga mamamayang lubog sa baha ay humihingi ng agarang tugon sa kanilang taun-taong suliranin na pabalik-balik.

“Ito ang dahilan kung bakit minabuti ko na pag-aralan na ang pagbuhay muli sa mga irrigation canal na magbobomba ng tubig mula sa lawa ng Laguna paakyat ng Cavite. Ang nasabing pump na nasa San Pedro ay may kakayahang magpadaloy ng tubig hanggang 900,000 cubic meters kada araw. Ang irigasyon naman sa gawi ng Pangil papuntang Sta. Maria bagama’t mas maliit ay tiyak na makababawas din.” Sabi ni San Luis habang ikinalugod niya ang pakikiisa sa kanya ni Gov. Remulla.

“Naniniwala ako sa sinabi ni Dr. Lagmay ng Project Noah na walang kinikilalang boundaries ang kalamidad. Malinaw sa akin na kung may magagawa ang aking lalawigan para maibsan ang pagbaha sa Laguna, karangalan kong padaluyin ang tubig sa Cavite lalo pa nga’t maaari namin itong magamit para sa irigasyon. Ngayon pa lamang, sa pakiki-pagtulungan kay Cong. Egay San Luis ay palalalimin ko na ang pag-aaral dito. Ako naman ang mananawagan ng susunod na meeting sa Enero 4 para mapinal na ang gagawing mungkahi para maiprisinta na ito sa Malakanyang,” tugon ni Gov. Remulla.

Ayon kay Dr. Lagmay ng Project Noah, malaki ang potensyal na mapakinabangan ang panukala ni San Luis sapagkat bukod sa laki ng kaya nitong mahigop na tubig sa lawa, ang tubig ay maaaring magkaroon ng agrikultural na gamit para sa Cavite.

Si San Luis na isa sa mga outstanding congressman ay nagsabing hindi niya mahahayaan na taun-taon na lamang mababad ang kanyang mga kalalawigan sa baha ng wala siyang ginagawa. “Malinaw na may kasalukuyan at nakaambang panganib sa ating mga kababayan. Ito ay humihingi ng agarang solusyon. Maging ito man ay magbunga lamang ng isa o dalawang linggo ng pagbawas ng mga araw sa pagkakalubog sa tubig, ito ay malaking bagay na rin para sa kaginhawaan ng mga naninirahan sa may aplaya.”

“Maaaring hindi nga natin agarang mapipigil ang pagbaha, subalit hindi ako makatutulog lalo’t alam ko na may maaaring magawa para sa mamamayang apektado. Ang imprastraktura ng irigasyon ay nakalatag na at hindi na ito magiging magastos. Talaga lamang dapat ang mga namumuno ay maging sinsero at propesyunal sa pagharap ng tungkulin para mahanapan ng paraan ang mga problema. Hindi ito nangangailangan ng bilyong pondo, at mas importante, ito ay maaari nang makalutas ng problema sa susunod na tag-ulan agad,” dagdag pa ni San Luis.

Si Egay San Luis, ang bunsong anak ni Gob. Felicing San Luis na 33 taong nanilbihan nang walang talo sa Laguna.  Kinatawan ng ika-apat na distrito at matagumpay na negosyante na tuluy-tuloy na nakikisangkot sa pagpapapaunlad ng kalagayan ng kanyang mga kalalawigan. “Ang pagdurusa ng aking mga kalalawigan ay pagdurusa ko rin. Kaya gusto ko na ang tagumpay ko ang maging tagumpay na rin nila. Ang laban ko sa baha, sa kahirapan sa kabuuan, ay mapagtatagumpayan natin lalo na’t magsasama-sama tayo para sa iisang hangarin.”

Ang mga kinatawan ng NIA ay maligayang-maligaya sa hakbang na pinasimulan ni Egay San Luis. “Bagamat parang hindi kami makapagpa-Pasko sa dami ng trabahong kailangan naming magampanan para sa muling pagpupulong sa Enero 4, masaya kaming magiging bahagi ng solusyon ng napakalaking suliranin.”

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

2 thoughts on “Pagbaha sa Laguna, May Solusyon – Egay San Luis

  1. Stupid “newspaper” this Pinoy Parazzi really is. They’ve become a mouthpiece of e-Gay San Luis while continuously bombarding Governor E.R. Ejército with negative news. Whatever happened to serious and impartial journalism? I spit on your editorial team’s name!

    How about you guys running a report on how e-Gay San Luis disrespected his own father when the latter was still alive? =)

  2. Pingback: Pagbaha sa Laguna, May Solusyon – Egay San Luis - ShowbizNews.ph