Pagawaan ng Furniture, Natupok: 5 Katao, Nalitson

ISANG PAMILYA, na binubuo ng limang katao ang natusta nang buhay matapos lamunin ng nagngangalit na apoy ang isang tindahan ng furniture sa Brgy. Lolomboy, Bocaue, Bulacan kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Supt.Villegas ang mga nasawi na sina Rodolfo Dela Cruz, 61; asawa nitong si Felecita, 47; mga anak na sina Frean, 16; Francis Mark, 10; at apong si Chesciy, 13, pawang mga residente ng nabangit na barangay.

Sa inisyal na ulat ni F/Sr. Insp. Carlos Estipular, dakong ala-1:30 ng madaling-araw ng Linggo nang sumiklab ang apoy sa nabanggit na furniture store habang mahimbing na natutulog ang mga biktima sa inuupahang establisimyento na pag-aari ng nanunungkulang konsehal ng bayan.

Nabatid na madaling natupok ang dalawang palapag ng gusali na gawa lamang sa light materials kabilang na ang mga nakaimbak na kemikal sa pagawa ng mga furniture.

Samantala agad ding naapula ang apoy ng mga pamatay-sunog mula sa Bulacan Rescue at kalapit na bayan matapos ang kalahating oras.

Nakita ang katawan ni Frean sa sala habang ang katawan ng mag-asawa, Francis Mark at apong si Chesciy ay nasa malapit sa comfort room natagpuan, samantalang ang alaga nilang aso ay sa loob ng palikuran natagpuan.

Aabot naman sa ha-lagang P5-M ang mga gamit na abo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga arson investigator ng Bureau of Fire Protection sa naging sanhi ng sunog habang nagresponde rin ang mga kagawad ng Scene of the Crime Operatives( SOCO) upang malaman ang tunay na ikinamatay ng mga biktima.

 (TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.