PAGASA: Magtipid ng Tubig Ngayong Tag-init

MULING NAGPAALAALA sa publiko ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Hydrometeorological Division na magtipid sa paggamit ng tubig lalo na ngayong panahon ng tag-init.

Kasunod ito ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa karamihan ng mga dam sa bansa.

Sinabi ni PAGASA hydrologist Sonia Serrano na kabilang sa mga dam na patuloy sa pagbaba ang lebel ng tubig ay ang Angat Dam na nasa Norzagaray, Bulacan.

Nasa 205 metro na lang ang lebel nito dahil sa halos 24 hanggang 26 sentimetro na pagbaba ng tubig kada araw.

Sa San Roque Dam na nasa Pangasinan ay umaabot na lang sa 239.07 litro ang water level, malayo na sa normal high level nito na 280 metro.

Ayon kay Serrano, mababa na ito sa tinatawag nilang rule curve o lebel ng tubig sa dam na kinakailangan para sumapat sa pangangaila-ngan sa irigasyon sa mga bukirin at sa paggamit sa mga kabahayan sa Pangasinan.

Pangunahing inaasahan naman ng mga magsasaka sa Nueva Ecija ang Pantabangan Dam na nasa 189.63 metro ang water level.

Sa ngayon, sapat naman umano ang suplay ng tubig para sa Metro Manila na nanggagaling sa La Mesa Dam na nasa 79.30 metro pa ang antas ng tubig.

Kahit magtuluy-tuloy pa ang pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam hanggang sa susunod na 45 araw, kung maglalaro lamang ito sa 20 sentimetro ay sasapat pa rin hanggang sa sumapit na ang panahon ng tag-ulan, dagdag pa ni Serrano.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.