Pag-Veto sa Height Req’t Repeal, Suportado ng PNP

SUPORTADO NG liderato ng Philippine National Police (PNP) ang pag-veto ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa panukalang batas para alisin ang height requirement sa mga papasok na pulis, bombero at jail guards.

Ayon kay PNP chief Director General Alan Purisima, mahirap namang kahit mga unano o may tangkad na isang pulgada ay papasok na sa serbisyo.

Sinabi ni Purisima na maaari namang babaan at gawing 4’8’’ para sa mga lalaki pero huwag lamang tuluyang alisin ang height requirement.

Maaalala na ang naturang panukalang batas ay dumaan sa masusing pagdinig ng Kongreso at nakalusot sa bicameral conference committee bago isinumite sa Pangulong Aquino.

Ito rin ay sinuportahan ng mga nagdaang PNP chiefs at mga iba pang heneral ng PNP kaya ito umusad sa Kongreso.

Layon ng panukalang batas na alisin ang diskriminasyon sa mga hindi katangkarang gustong magpulis, maging bombero o jail guards.

Sa ngayon, pursigido namang isulong ng ilang may-akda ng panukalang batas na nag-aalis sa height requirement sa mga pulis, sundalo, firefighters at jail guards matapos i-veto ito ng Pangulong Aquino.

Ayon kay Sen. Gringo Honasan, ang author ng Senate Bill 3217, may remedyo naman umano ang hindi pagpirma ng pangulo sa naturang panukalang batas.

Kapag isinalang uli sa Kongreso at nakakuha ng 2/3 votes mula sa Kamara at sa Senado ay mao-override ang veto power ng pangulo, dagdag pa ng mambabatas.

Sa panig naman ng Bureau of Fire Protection, na malaki ang bentahe ng mga maliliit na bombero lalo na sa mga kritikal na pagkakataon.

Una rito, base sa veto message ng Pangulo, hindi nito maaaring lagdaan ang Senate Bill No. 3217at House Bill No. 6203 dahil magpapahina ito sa performance ng naturang mga ahensya.

Samantala, naniniwala umano ang Pangulong Aquino na mahalaga ang nasabing tangkad lalo sa mga bumbero na susuong sa sunog at jail guards na magbabantay ng mga convicted criminals.

Dismayado rin si Cebu Rep. Pablo John Garcia na pangunahin namang may-akda ng House bill 6203.

Aniya, maganda sana ang nabanggit na panukalang batas para mabigyan ng pantay na pagkakataon ang sinumang nagnanais na makapasok sa PNP, BFP at BJMP.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.