‘Pag nakipag-giyera sa NoKor
US, Papayagang Magtayo ng Base-Militar sa ‘Pinas

PAPAYAGAN ANG Estados Unidos na magtayo ng base-militar sa Pilipinas kapag tuluyang sumiklab ang giyera sa pagitan nito at North Korea.

Base sa ulat ng Agence France-Presse, ipinaliwanag ni Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na alinsunod ito sa mutual defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa nasabing kasun-duan, obligado ang bawat panig na tulungan ang sinumang inaatake o nasasangkot sa giyera.

Patuloy na umiigting ang tensyon sa Korean Peninsula bunsod ng sunud-sunod na pagbabanta ng North Korea na magpapakawala ito ng missiles target ang South Korea at Estados Unidos gayundin ang mga base-militar nito sa Pasipiko partikular ang nasa Guam.

Sinabi naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na handa ang Pilipinas kung tuluyang sumiklab ang giyera sa Korean Peninsula gaya ng pagpapapasok sa mga base-militar ng Amerika.

Taong 1951 nang pirmahan ang mutual defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Samantala, nagpahayag naman ng pagtutol ang Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ayon kay KMU Chairperson Elmer Labog, sa halip na tanggihan ang mga base-militar ng Amerika sa bansa alinsunod na rin sa itinatakda ng Saligang Batas, tila humahanap pa ang pamahalaan ng dahilan para payagan ito.

Kung papayagan aniya ito ng gobyerno, nanga-ngahulugan ito ng pagsabak ng bansa sa giyera na hindi naman talagang apektado.

Sakaling mabalik ang mga base-militar ng Amerika, lalo lang malalagay sa panganib ang seguridad ng mga Pinoy, giit ng grupo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.