Pag-imprenta ng Balota, Matatapos Nang Maaga – NPO

NILINAW NG National Printing Office (NPO) na walang nangyaring aberya sa unang gabi ng pag-iimprenta ng mga balota para sa eleksyon sa Mayo.

Sinabi ni NPO Printing Committee Chairman Dulce Sagle na nais lang nila na mas maging malinaw ang pag-iimprenta ng logo ng Commission on Elections (Comelec) kaya bahagyang huminto ang operasyon kamakalawa ng gabi, pero agad ding nagpatuloy ang pag-iimprenta ng tatlong bagong makina ng ahensiya.

Samantala, kumpiyansa ang NPO na kung hindi magkakaaberya, matatapos nila nang mas maaga pa sa itinakdang deadline na Abril 25 ang pag-iimprenta ng 52,014,648 balota para sa buong bansa.

Paliwanag pa ni Sagle, target nilang makapag-imprenta ng 600,000 hanggang 1 milyon kada araw.

Kasalukuyan namang iniimprenta ang mga balota para sa Cotabato.

Tuluy-tuloy naman ang nasabing operasyon at tanging Biyernes Santo ang magiging pahinga nila.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.