‘Pag-Abolish sa Pork Barrel, Walang Panlilinlang – DBM

ITINANGGI NI Budget Sec. Butch Abad ang alegasyon ng maraming sektor na panlilinlang ang sinabi ng Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na pagbuwag sa pork barrel fund ng mga mambabatas.

Maaalala na tahasang tinawag ng isang mambabatas na “panlilinlang” sa taong bayan ang ginawang reporma ng pangulo sa kontrobersiyal na priority development assistance fund (PDAF) o mas kilala sa pork barrel.

Sinabi ni Bayan Muna Representative Neri Colmenares na hindi binuwag ng Pangulong Aquino ang pork barrel sa halip ay ginawang institutionalize sa pambansang pondo na aniya’y may pagkakataon pa rin ang mga mambabatas na kumita sa maipapatupad na proyekto.

Ayon pa sa mambabatas na mistulang pinalitan lamang ng Palasyo ng pangalan ang pork barrel sa itemized pork.

Dagdag pa ni Colmenares na mas lalong lumala ang sitwasyon dahil ang mangyayari ngayon ay magmamakaawa ang mga mambabatas sa Palasyo para maaprobahan ang proyekto ngayong hawak na nila ang kapangyarihan bago magkaroon ng proyekto ang isang kongresista o senador kaya’t maituturi aniyang negatibo ito sa panig ng oposisyon.

Inihayag pa ng mambabatas na bakit hindi magawa ng administrasyon na legislative works na lamang ang aatupagin ng mga mambabatas kaysa magpapatupad ng mga proyektong madalas dahilan ng kurapsyon.

Ayon naman kay Abad, dapat tutukan ng mga kritiko ang proseso at aabangan ang malaking pagbabago.

Aasahang magiging transparent at bukas na ang paggastos sa pondong makukuha mula sa bagong mekanismo, ani Abad.

Nasanay lang kasi ang mga kongresista at senador na tratu-hing parang kanila ang pera at hindi sa taongbayan, dagdag pa ng opisyal.

Una ng itinanggi ni Abad na kinokontrol na ng Ehekutibo ang lahat ng alokasyon at pagpapatupad ng mga national at congressional projects sa pamamagitan ng pagbuwag sa pork barrel system.

Sa pamamagitan ng bagong mekanismo, lahat ng mga proyekto ng mga senador at kongresista ay dapat sang-ayon na sa menu o listahan ng mga proyekto ng national government.

Sa pamamagitan nito, binabawi na ang diskresyon sa mga mambabatas kung paano gagamitin ang kanilang PDAF.

Hindi naman Ehekutibo ang mag-aapruba ng General Appropriations Act (GAA) kundi Kongreso pa rin, ayon kay Abad.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na nasa mambabatas pa rin ang tutukoy sa mga proyekto para ipapasok sa line agency na siyang magpapatupad at hindi na nga dadaan sa mga NGOs at GOCCs.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.