Pacquiao, ‘di nalaos kay Rios!

PANALO SI 8-division world champion Manny ‘Pacman’ Pacquiao laban kay Brandon Rios sa kanyang return fight sa The Venetian, Macau, kahapon.

Makalipas ang isang taong pagpapahinga matapos ang magkasunod na pagkatalo kina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez, muling pinatunayan ng Pambansang Kamao na nanumbalik na ang dati nitong lakas sa ibabaw ng ring at nasungkit ang World Boxing Organization (WBO) International welterweight boxing title.

Sa Round 1 pa lang, kita na ang pagpanumbalik ng tikas at bilis ng mga kamao ni Pacquiao.

Pagsapit ng Round 6, nagsimula nang mamaga ang kanang mata ng kalaban at sa Round 8, tumulo na rin ang dugo sa ilong nito.

Matapos ang Round 12, inanunsyo na ng announcer na si Michael Buffer ang scorecards na: 120-108, 119-109 at 118-110, para igawad kay Pacman ang kampiyonato via unanimous decision.

$18 milyon o mahigit P780 milyon ang tiyak na maiuuwi ni Pacquiao, bukod pa sa dagdag na premyo dahil sa pagkapanalo.

Una nang sinabi ni Pacman na kanyang iniaalay sa mga kababayang hinagupit ng bagyong Yolanda ang laban nito sa Mexican-American boxer.

Inanunsyo Rin ng presidente at CEO ng The Venetian Macau Resort-Hotel na si Edward Tracy na nagsasagawa rin sila ng fundraising campaign para sa mga biktima ng kalamidad sa Visayas.

Sinabi ni Tracy na makikita umano sa hotel ang ilang donation box na maaaring paglagyan ng mga nais na tumulong sa mga nasalanta ng bagyo. Ibabahagi rin bilang donasyon ang kikitain sa closed-circuit television.

Matapos naman ang pakikipagtuos kay Rios ay nakatakda ang Pambansang Kamao na bumisita sa mga lugar na sinalanta ng bagyo sa pagbalik niya sa Pilipinas.

Samantala, maayos ding inawit ng Fil-AM singer at American Idol runner-up na si Jessica Sanchez ang Philippine National Anthem na “Lupang Hinirang” na pinuri ng mga netizen sa naging rendisyon niya ng ating Pambasang Awit. Inawit din nito ang Pambansang Awit ng Amerika na “Star Spangled Banner”.

Ipinagbunyi naman ng sambayanang Pilipino sa loob at labas ng bansa ang pagkakapanalo ni Pacquiao.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.