Pabuya sa Valentine’s Day Massacre, Ibinigay na

RIZAL – MISMONG SI Cainta Mayor Mon Ilagan ang personal na nag-abot ng halagang P100,000 reward sa isang tricycle driver na nagbigay ng impormasyon para madakip ang suspek sa karumal-dumal na Valentine’s Day massacre.

Maliban sa impormante, nagbigay rin ng reward ang alkalde sa Cainta, Marinduque at Rizal Police na siyang nagtulong-tulong sa matagumpay na pagkakaaresto ng salarin na si Fortunato “Jun-Jun” Azibar, 24.

Mula sa bayan ng Boac, Marinduque, bumiyahe pa patungo ng Cainta ang hindi na pinangalanang impormanteng para tanggapin ang nasabing pabuya.

Ang Marinduque PNP sa pamamagitan ni P/Chief. Insp. Gilmer Mangera ay binigyan naman ng alkalde ng P30,000 habang tig-P20,000 naman ang ibinigay sa Cainta at Rizal PNP.

Ayon kay Mayor Ilagan, natutuwa siya sa mabilis na pagkakadakip ng suspek dahil sa impormasyong ibinigay ng impormante at pagtutulungan ng mga awtoridad kaya bilang ganti ay tinupad naman nito ang kanyang ipinangakong reward money.

“Case closed” na umano ang naganap na masaker makaraang aminin ng suspek na mag-isa lamang siya noong isagawa niya ang pagpatay sa kanyang tiyuhin na si Amado Azibar Sr., 45-anyos, misis na si Elizabeth, 46-anyos at dalawang anak na sina Amado Jr., 14-anyos at Pritchie, 10-anyos.

Sinabi ng suspek na nagdilim ang kanyang paningin matapos umano siyang murahin ni Elizabeth kaya niya nagawa ang malagim na krimen.

Si Jun-Jun ay ipinagharap na rin ng kasong 4 counts of murder at walang piyansang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang paglaya.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.