Pablo, Nag-iwan ng 540 Patay, 827 Nawawala

SA PINAKAHULING tala ng National Disaster Risk reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, umakyat na sa 540 ang bilang ng mga nasawi sa paghagupit ng Bagyong Pablo sa bansa. Umabot naman sa 1,088 ang bilang ng mga sugatan habang nasa 827 iba pa ang nawawala.

Unang idineklara ng Malakanyang ang national calamity kamakalawa, kung saan magpapatupad ng 60-araw na price freeze sa mga pangunahing bilihin, magagamit ang mga calamity fund, at igagawad ang loans nang walang interes.

Kabilang sa mga tinutukoy na pangunahing pangangailangang sakop ng price freeze ang bigas, mais, tinapay, isda at de-lata, baboy, baka, manok, itlog, processed milk, gulay, root crops, kape, asukal, mantika, asin, sabong panlaba, panggatong, uling, kandila at mga gamot.

Sakop din nito ang fresh fruits, harina, dried, processed at canned pork, dairy products, noodles, bawang, sibuyas, suka, patis, toyo, toilet soap, fertilizer, pesticides, herbicides, poultry, pakain sa baka at baboy, veterinary products sa baboy, manok at baka, papel, school supplies, pawid, sawali, semento, clinker, GI sheets, hollow blocks, plywood, plyboard, construction nails, mga baterya, electrical supplies, light bulbs, steel wire at lahat ng gamot.

Inaatasan din ang lahat ng mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan na maglatag at magpatupad ng medical assistance, relief at rehabilitasyon sa mga lugar na apektado alinsunod na rin sa direktiba ng pamahalaan.

Samantala, aabot sa 1,096,633 ang bilang ng mga pamilya o katumbas ng 5,408,229 na indibidwal ang apektado ng bagyo.

Tinatayang nasa 46,428 bahay naman ang nasira ni “Pablo.”

Aabot sa P2,510,263,310 ang halaga ng pinsala ni “Pablo” sa imprastraktura habang P3,605,778,737.07 ang halaga ng pinsala nito sa agrikultura.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.