Pa-Bingo Issue sa Maynila, Idudulog sa Comelec

HIHILINGIN UMANO ni Manila City Mayor Alfredo Lim ang opinyon ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa kaso ni Vice Mayor Isko Moreno, na inaresto matapos ang pagsagawa ng pa-bingo sa naturang lungsod.

Sinabi ng alkalde na ngayong araw ay magtutungo sila ng Comelec para malinawan kung mayroong ginawang paglabag sa Election Law si Moreno at limang iba pang tatakbong konsehal sa Maynila.

Una rito, pinakawalan na rin ng Manila Police District (MPD) sina Moreno makalipas ang walong oras sa kustodiya ng pulisya.

Una na ring itinanggi ng alkalde na may kinalaman siya sa pagpapahuli kay Moreno.

Ayon kay Lim, nasa inagurasyon siya ng isang kalye sa Maynila nang mangyari ang insidente at iniulat lang sa kanya ang pagkaka-aresto kay Moreno at sa limang ibang konsehal.

Sinabi ng alkalde na bi-nabaliktad siya ng kampo ni Moreno at siya ang sinisisi sa ginawa nilang paglabag sa batas.

Ipinaliwanag ni Lim na ang paglalaro ng bingo sa labas ng bahay o paglalaro bukod sa pagiging libangan ay labag sa batas.

Pinasinungalingan pa ng alkalde ang sinabi ni Moreno na limang taon nang ginagawa ng huli ang pa-bingo sa Maynila kahit pa noong magkapartido sila.

Samantala, nilinaw rin ni Lim na bagama’t pansamantalang pinalaya si Moreno at sina Joel Chua, Rey Fugoso, Jong Isip, Yul Servo-Nieto, LetLet Zarcal, ay mananagot pa rin sila sa batas.

Dadaan pa rin aniya sila sa preliminary investigation at ito ang pagkakataon para magpaliwanag sila maging ang mga umarestong pulis.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.