P825-M, ipambibili ng pills at condom

KINUWESTIYON NI Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang gagawing paggastos ng pamahalaan ng P825 milyon  para sa pagbili ng iba’t ibang uri ng kontraseptibo tulad ng pills at condom para sa susunod na taon.

Sa ginanap na pagdinig ng budget ng Department of Health (DOH) para sa 2014, kinuwestiyon ng mambabatas ang big¬lang pagtaas ng budget ng pamahalaan para lamang sa pills at condoms lalo pa’t nasilip ng Commission on Audit ang kawalan ng bidding para sa pagbili ng mga kontraseptibo.

Sinabi ni Sotto na sa P825 milyong pondo, mahigit sa P500 milyon ay ilalaan para lamang sa oral contraceptives.

Ang nakakabahala aniya, mismong ang World Health Organization (WHO) ang nagsabi na nakaka-cancer ang combined estrogen-progestogen contraceptives at maging ang combined estrogen-progestogen hormonal menopausal therapy na kabilang sa bibilhing contraceptives ng DOH.

Ayon kay Sotto, base umano sa isinagawang pag-aaral, tumataas ang ‘risk’ na magkaroon ng liver at breast cancer ng mga gumagamit ng pills o oral contraceptives.

Inihayag naman ni Sen. Teofisto Guingona na wala pa namang matibay na ebidensiya na magpapatunay na nakapagdudulot ng cancer ang pills na ginagamit ng mga babaeng ayaw nang magka-anak.

Samantala, sinabi pa ni Sotto na hindi dapat gastusan ng milyun-milyong piso ang mga kontraseptibo na hindi makapagdudulot ng kabutihan sa kalusugan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.