P800-M Pondo ng GSIS, Nilustay sa Casino

KINONDENA NG Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang ginawang “investment” ng Government Service Insurance System (GSIS) sa pondo ng mga empleyado ng gobyerno sa Leisure & Resorts World Corp. (LRWC).

Ayon kay Benjie Valbuena, chairperson ng ACT, hindi nararapat na sa sugal lustayin ng GSIS ang pondo buhat sa mga kontribusyon ng mga empleyado ng gobyerno lalo na ng mga guro.

Mas nararapat umano na sa ibang mas kapaki-pakinabang na bagay ilagak ito tulad ng pabahay sa mga mahihirap na empleyado ng pamahalaan tulad ng mga guro na babayaran sa murang halaga.

Nabatid na aabot sa P800 milyon ang umano’y inilagak ng GSIS sa LRWC.

Sinabi rin ng ACT na dapat magsumite ang GSIS ng taunang report sa lahat ng ginawa nilang “investment” sa Kongreso at Senado at nararapat na maaaring makakuha rin ng report na ito ang mga ordinaryong kasapi ng GSIS.

Nilinaw ni Valbuena na hindi sinusuportahan ng mga guro ang pagtatatag ng mga internasyunal na casino at iba pang pasugalan sa bansa na nais maging katulad ng Macau o ng Las Vegas sa Estados Unidos.

Samantala, parte umano ito ng misyon nilang moral na turuan ang mga batang Pinoy ng kasamaang dulot ng sugal habang tinuligsa ang pagsuporta ng gobyerno na ma¬ging sentro ng sugalan ang Pilipinas sa Asya.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.