P65-B, Nawawala sa Gobyerno Kada Taon Dahil sa Smuggling

UMAABOT SA $1.46 bilyon o P65.7 bilyon ang nawawala sa bansa dahil sa smuggling, ito ay ayon sa isang US-based non-government organization.

Lumalabas sa pag-aaral ng Global Financial Integrity, nasa $410.5 bilyon ang halaga ng perang ilegal na pumapasok at lumalabas sa Pilipinas mula 1960 hanggang 2011. Katumbas ito ng halos $8 bilyon kada taon.

Base sa datos na isinumite ng pamahalaan sa World Bank at International Monetary Fund, napag-alaam ng GFI na aabot sa $277.6 bilyon ang ilegal na naipasok habang $133 bilyon naman ang nailabas sa bansa.

Ang hindi pagdedeklara ng tunay na halaga ng export at import o smuggling ang isa mga maituturing na ugat ng  nasabing ilegal na daloy ng pera sa Pilipinas.

Sinasabing 25-porsyento ng halaga ng mga ini-import o isa sa kada apat na dolyar ang hindi naire-report sa Bureau of Customs.

Ito ay katumbas ng $1.46 bilyon o P65.7 bilyong nawawala sa bansa kada taon.

Ngunit taong 2011, umabot sa P173 bilyon ang nawala sa kaban ng bayan dahil sa smuggling.

Kasinlaki na rin nito ang 95-porsyento ng ginastos ng gobyerno sa social benefits ng mga Pinoy nang taong iyon.

Para naman umano masawata ang naturang illegal financial transactions sa bansa, dapat tutukan ng gobyerno na gawing batayan ang money laundering investigation sa mga kaso, i-require ang mga bangko na alamin ang true human at beneficial owner ng bawat account, linisin ang Customs at palakasin ang law enforcement nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.