P581-M, kickback nina Enrile, Estrada at Revilla

NILINAW NG pamunuan ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na marami pang mga senador at kongresista ang sasampahan nila ng kaso hinggil sa pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-bilyong peso pork barrel fund scam o maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Lumalabas sa isinampang kaso ng DOJ-NBI sa Ombudsman, nasa P581 milyon ang nakulimbat umano ng tatlong senador na kinabibilangan nina senators Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile at Ramon Revilla Jr.

Kay Enrile pa lamang ay nasa P172,834,500 na, habang kay Revilla ay nasa P224,512,500; at ang kay Estrada ay umaabot ng P183,793,750 na pawang pasok sa threshold ng kasong plunder na P50 milyon.

Maliban pa kay Janet Lim-Napoles, kabilang din sa sinampahan ng kasong plunder ay si dating Rep. Rizalina Seachon-Lanete na umabot ng P108,405,000 ang umano’y ibinulsang PDAF funds; habang si dating Rep. Edgar Valdez, ay nasa P56,087,500.

Habang kasong malversation, direct bribery at graft and corrupt practices ang kina dating Rep. Rodolfo Plaza na nasa P42,137,800 ang kickback mula sa kanyang PDAF allocations na nagkakahalaga ng P79,500,000.

Si Samuel Dangwa, ay ibinulsa rin umano ang P26,770,472 mula sa PDAF allocations na P54 milyon; at si dating Rep. Constantino Jaraula, ay tinangay umano ang nasa P20,843,750 ng kanyang PDAF allocations na P50.5 milyon base pa rin sa findings ng NBI.

Sangkot din ang mga chief of staff ng mga nasabing mambabatas na sina Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes ni Enrile, Richard Cambe ni Revilla, Ruby Tuazon nina Enrile at Estrada, Pauline Labayen ni Estrada, Jose Sumalpong at Jenanette de la Cruz ni Lanete, Erwin Dangwa at Carlos Lozada ni Dangwa.

Dawit din ang dating mga opisyal ng mga implementing agencies na sina Allan Javellana, ang dating president, ng National Agribusiness Corp. (Nabcor); Gondolina Amata, president, National Livelihood Development Cooperation (NLDC); Antonio Ortiz, dating director general ng Training and Research Center (TRC); Dennis Cunanan, dating deputy director general at ngayon ay director general ng TRC; Salvador Salacup, dating president, ZNAC Rubber Estate Corporation na ngayon ay assistant agriculture secretary.

Samantala, nahaharap din sa kasong plunder at malversation ang mga namumuno sa Napoles’ NGOs: sina Jocelyn Piorato ng (Agricultura para sa Magbubukid Foundation), Nemesio Pablo (Agri and Economic Program for Farmers Foundation), Mylene Encarnacion (Countrywide Agri and Rural Economic and Development Foundation), Evelyn de Leon (Philippine Social Development Foundation) at Ronald John Lim (Ginintuang Alay sa Magsasaka Foundation).

Kabilang pa sa mga opis-yal ng implementing agencies at employees na sangkot sa plunder o malversation, bribery, at graft bunsod ng pakikipagsabwatan ay sina Victor Cacal, Romulo Revelo, Ma. Ninez Guanizo, Julie Johnson, at Rhodora Mendoza, na pawang konektado sa Nabcor; habang sina Alexis Sevidal, Sofia Cruz at Chila Jalandoni ng NLDC; at Francisco Jover at Marivic Jover ng TRC.

Naghahanda na rin ng kani-kanilang legal team ang mga senador na kabilang sa unang sinampahan ng kaso sa Ombudsman.

Ayon naman kina Enrile, Estrada at Revilla,  hindi nila tatakasan ang naturang kaso. Sa halip ay haharapin nila sa tamang forum.

Sina Jinggoy at Revilla ay dumalo pa sa session ng Senado sa araw ng Lunes, habang si Enrile naman ay bigong makadalo dahil sa karamdaman matapos na isinugod sa pagamutan kamakalawa bunsod ng alta-presyon.

Samantala, bases sa statement na inilabas ng kanyang abogado, sinabi ni Enrile na hilaw at minadali lamang daw ang kaso laban sa kanila.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.