P50-M bawat senador sa impeachment ni Corona

TILA SINILABAN ni Senator Jinggoy Estrada ang buong Senado at nilaglag ang kapwa mga mambabatas matapos nitong ibunyag na lahat ng mga senador na humatol ng pabor sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona ay nakatanggap ng tig-P50 milyon kabilang na ang kanyang sarili.

Sa ginawang talumpati ni Estrada na may pamagat na “The Untold PDAF Story that the People Should Know”, inihayag nito na matapos ang conviction ni Corona noong 2012, may inilabas na pondo ang Senate Committee on Finance na pinamumunuan noon ni Senate President Franklin Drilon para sa mga bumoto na pabor upang masibak sa puwesto ang dating punong mahistrado.

Ipinakita pa ng senador ang kopya ng “private and confidential letter memo” ni Drilon kung saan nakapaloob ang pagpapalabas ng nasabing pondo.

Partikular na kinuwestiyon ni Estrada si Budget Sec. Florencio Abad kung saan nanggaling ang pondong ipinamudmod sa mga mambabatas.

Pero pinaninindigan ng senador ang kanyang desisyon na pagboto ng pabor sa conviction ni Corona at hind siya naimpluwensiyahan ng incentive na ipinamigay sa kanila matapos ang botohan.

Nagbigay ng kanyang talumpati si Estrada matapos madawit ang kanyang pangalan sa P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) kasama sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.

Unang binatikos ni Estrada ang Department of Budget and Management, Commission on Audit, Senate Blue Ribbon committee at media na mistulang nagkaroon umano ng “concerted effort” para tirahin silang tatlo na nasasangkot sa pork barrel fund scam.

Kinuwestiyon rin ng senador kung bakit na-singled out sila at paulit-ulit na binabanggit ang pangalan gayong kung tutuusin ay marami namang sangkot na indibiduwal.

Binanatan din niya ang mga kasamahan sa Senado na humatol na kaagad sa kanila.

Naniniwala siya na “selective” ang pagsisiyasat ng komite dahil nilimitahan lamang ito sa 8 NGOs na iniuugnay kay Janet Lim-Napoles gayong 82 ang foundations na sangkot sa ulat ng COA .

Ayon umano sa COA report mayroong P1.2 bilyon na LGU transactions na pinondohan ng PDAF pero hindi nag-comply sa procurement law.

Ilan sa mga pinanggalingan umano ng P1.2 bilyon na ito ay galing sa PDAF nina Senators Miriam Defensor-Santiago, Alan Peter Cayetano, dating Senators Francis “Kiko” Pangilinan, at Manny Villar.

Binanatan din ng senador si Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales Jr., na kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.

Kung susuriin umano ang COA report, makikitang sa sari-ling distrito inilagay ni Gonzales ang halos lahat ng kanyang PDAF pero ayon umano sa ulat, itinatanggi ng suppliers na nagkaroon sila ng 167 transaksiyon sa Mandaluyong.

Inihayag din ng mambabatas ang COA report na nagsasabing may P6 milyong halaga ng pagkain sa Jollibee ang pinondohan ng PDAF ni Gonzales.

Samantala, maging si Anwaray party-list Rep. Florencio “Bem”  Noel ay kuwestiyonable rin umano ang paggastos sa kanyang PDAF dahil milyun-milyong piso ng pondo nito ay inilagay sa Mandaluyong at hindi sa Leyte, Samar at Biliran kung saan naka-base ang naturang partylist.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.