P41.7-M multa sa nagsalpukang barko sa Cebu

PINAGMUMULTA NG Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng P41.7 milyon ang dalawang shipping firms na sangkot sa salpukan sa Cebu noong Agosto 16 .

Base sa kanyang report kay DENR Secretary Ramon Paje, sinabi ni DENR Central Visayas Executive Director Isabelo Montejo na ang multa ay bilang parusa sa 2GO shipping, may-ari ng MV St. Thomas Aquinas 1 at Philippine Span Asia Carrier Corp., may-ari naman ng MV Sulpicio Express Siete dahil sa pagkasira ng may 328 ektaryang mangroves dulot ng pangyayari.

Maaalala na may 116 katao ang nasawi at 22 ang patuloy na nawawala sa naturang banggaan ng dalawang barko.

Ang nasabing insidente ay nagresulta rin ng pagtagas ng langis na umabot sa bayan ng Cordova na naging dahilan ng pagsasailalim sa state of calamity sa buong lalawigan.

Hanggang November 15 naman ang itinakdang palugit ng DENR upang mabayaran ng dalawang shipping company ang nabanggit na halaga.

Magpapatawag ang DENR ng technical conference sa mga representatives ng dalawang shipping company sa Miyerkules, October 8 para pag-usapan ang tungkol dito.

Samantala, may kaukulang parusa umano ang DENR sa sinumang magbabale-wala sa patawag ng ahensiya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.