P37 M ng Pag-IBIG sa COA Report: separation pay, hindi bonus

NILINAW NI Atty. Darlene Marie Berberabe, Pag-IBIG President at Chief Executive Officer (CEO) and ulat na lumabas hinggil sa report ng Commission on Audit (COA) tungkol sa pagkakasama ng  Pag-IBIG Fund sa listahan ng 31 GOCCs na diumano’y nagbigay ng sobra-sobrang  bonus sa mga opisyal at empleyado nito.

“Ang P37 million na halagang nabanggit sa COA report ay hindi bonus kundi “separation pay” na ibinigay ng Pag-IBIG sa mga empleyado nito na nag-apply ng early retirement noong 2012. Ang naturang early retirement ay ayon sa aprubadong programa ng Pag-IBIG sa pag-reorganisa ng corporate structure nito,” ani Berberabe.

Ayon kay Atty. Berberabe, naging basehan ng COA ang pag-disallow ng nasabing halaga, ang sinasabing “double payment” ng retirement pay dahil ang Government Service Insurance System (GSIS) ay nagbibigay rin ng retirement benefits sa mga nagreretirong empleyado ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Berberabe na ang natanggap ng mga nagretirong Pag-IBIG employees ay iba sa retirement benefits na ibinibigay ng GSIS.

“Wala pong naging “double payment” dahil hindi pa natatanggap ng mga empleyado ang kanilang  GSIS retirement insurance benefits noong nakuha nila ang separation pay nila mula sa Pag-IBIG. Bukod pa dito, ang GSIS lamang ang makakapagpasiya kung karapat-dapat na makatanggap ang isang empleyado ng gobyerno ng mga benepisyo nito,” paliwanag ni Atty. Berberabe.

“Masusi kaming nakikipag-usap sa COA tuwing “exit conference” patungkol sa isyung ito. Naniniwala kami na walang “double payment” dahil ang natanggap ng mga empleyado ay hindi retirement benefits kundi ang kanilang  “separation pay” sa ilalim ng aming Early Retirement Program. Samantala, ang matatanggap nila sa GSIS ay ang kanilang “retirement insurance benefits”, na kanilang hinulugan kada buwan noong sila ay nanunungkulan pa sa gobyerno. Ito ang dahilan kung bakit hihingi kami ng reconsideration sa COA findings,” dagdag pa ni Atty. Berberabe.

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.