P200-B Laguna de Bay Megadike, kinondena

KINONDENA NG KILUSANG Lawa Kalikasan (KLK) ang pinaplanong P200-bilyong megadike para sa Laguna de Bay, at sinabing binubuhay lamang nito ang isang proyektong ibinasura na tatlong dekada ang naka-lilipas.

Kontra rin ang KLK sa nominasyon ni Finance Secretary Cesar Purisima, na kanilang sinisisi sa pagkakabalam ng P18.7-bilyong Laguna Lake Rehabilitation Project (LLRP) na ipinanukala ng Baggerwerken Decloedt en Zoon (BDC), isang kumpanyang Belgian.

Ang oposisyon ay pinalakas ng plano ng dumaraming mambabatas mula sa Southern Luzon na kumilos upang ma-recall si Purisima, na nakabangga ng mga banyagang mamumuhunan ukol sa LLRP.

Sa lathalain nito na may petsang Enero 24, 2011, sinabi ng KLK na ang 200-kilometrong road system sa paligid ng 94,900-kilometrong lawa ay hindi magbubunga ng panunumbalik ng “environmental integrity” ng pinakamalaking lawa sa bansa.

Iginiit ng KLK na ang planong gumawa ng dambuhalang pader na babakod sa lawa ay tila isa na namang “real estate operation” na maglalayo sa Laguna de Bay sa mga taong umaasa rito at malaki ang posibilidad na masundan ito ng iba pang reclamation projects at malawakang pagpapaalis sa 300,000 pamilyang namumuhay kasama ang lawa.

Ang KLK, na nagbubuklod sa mga magsasaka, mangingisda at mga propesyunal sa Rizal at Laguna, ay malaon nang ipinaglalabang maipatupad ang P18.7-billyong LLRP na popondohan ng official development assistance (ODA) at concessional loans mula sa Belgium.

Sa halip na LLRP, na matatapos sa loob lamang ng 850 araw, mas pinaboran ng administrasyong Aquino ang mas magastos na proyekto na matatapos lamang kapag tuluyan nang naging “class D lake” ang Laguna de Bay, at na-ngangahulugang tuluyan na itong namatay.

Hinamon ng KLK ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na konsultahin ang mga mamamayang namumuhay sa baybayin ng lawa at talakayin ang mga teknikal na aspeto ng proyekto batay sa scientific data at huwag umasa sa mga iniuutos ni Purisima at ng kinikilingan niyang pangkat.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.