P15 dagdag sa minimum wage, ipinatupad

IPINATUPAD NA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P15 dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila na bahagi ng umiiral na P30 cost of living allowance (COLA).

Sinabi ng DOLE na tataas ng P15 ang halaga ng minimum wage sa National Capital Region.

Ang pagsama sa minimum wage ng bahagi ng COLA ay nagkabisa simula Enero 1, 2014.

Alinsunod ito sa NCR Wage Order No. 18 noong Oktubre 2013 na nagtatakda ng P10 umento sa minimum wage at ang pag-integrate sa basic pay ng P15 ng kasalukuyang umiiral na P30 COLA.

Ayon kay DOLE Secretary Rosalinda Baldoz, ang minimum wage rate para sa pribadong sektor ay nasa P466 kung saan P451 dito ay ang basic pay at P15 ay COLA.

Ang bagong wage rate ay ipatutupad para sa lahat ng mga minimum wage na manggagawa sa NCR, anuman ang kanilang posisyon o employment status.

Hindi naman sakop ng bagong wage rate ang mga kasambahay at mga manggagawa na nagbibigay ng personal service gaya ng family driver pati na ang mga manggagawa sa mga rehistradong Barangay Metro Business Enterprises na may Certificates of Authority.

Inihayag naman sa Kilusang Mayo Uno (KMU) ang nasabing wage order ay hindi makatutulong para maibsan ang matinding epekto ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at mga bayarin sa serbisyo tulad ng SSS, PhilHealth, Meralco, MRT, LRT at iba pa.

Anila ang P466 na kasalukuyang minimum na pasahod ay sobrang liit at hindi makabubuhay ng isang pamilya na may apat na anak.

Base umano sa Fa¬mily Living Wage sa NCR, lu¬malabas sa pag-aaral ng independent think-tank Ibon Foundation noong August 2013 na dapat ay P1,051 kada araw ang suweldo ng isang empleyado at hindi P466 para makapamuhay sa kasalukuyang estado ng pamumuhay sa Pilipinas.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.