P15-B pondo sa mga biktima ng lindol, hirit sa Senado

ISUSULONG NI Senator Bam Aquino ang paglikha ng P15-bilyon na rehabilitation fund para tulungan ang mga lalawigan sa Visayas at iba pang bahagi ng Mindanao na makabangon sa matinding pinsalang dulot ng 7.2-magnitude earthquake na tumama sa Central Visayas kamakailan.

Sinabi ng mababatas na malaking bahagi ng pondo ay gagamitin upang muling maisaayos ang mga lumang simbahan at iba pang tourism sites sa Bohol, isang lalawigan na nabubuhay sa turismo dahil sa mga tanyag nitong lugar tulad ng Chocolate Hills sa Carmen at ilang siglo nang simbahan sa Loboc, Baclayon, at Dauis.

Gagamitin din ang nasabing pondo upang maisaayos ang mga negosyo at imprastruktura na nasira ng pagyanig sa lalawigan ng Cebu, na itinutu-ring na sentro ng negosyo at kalakalan sa rehiyon.

Ayon sa senador, i-lang bahagi ng pondo ay gagamitin din sa rehabilitasyon ng iba pang lugar na naapektuhan ng lindol, kabilang ang Siquijor at iba pang bayan sa Mindanao.

Ang naturang rehabilitation fund ay isasama sa budget ng pamahalaan para sa susunod na taon. Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa ng pagdinig ang Kongreso ukol sa General Appropriations Act.

Sa oras na aprubahan, hindi ito ang unang pagkakataon na kasama sa national budget ang isang special fund na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga lalawigang sinira ng kalamidad.

Samantala, kinumpirma naman ni Senate President Franklin Drilon na ibibigay nito sa mga bitkima ng kalamidad ang P6 milyon na savings ng Senado sa pamamagitan ng DSWD.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.