P11-M Pinsala, 30 Patay sa flashflood sa Davao

DAVAO CITY –TINATAYANG nasa P11 milyon ang halaga ng pinsala sa biglaang pagbaha sa apat na barangay sa lungsod ng Davao na ikinamatay ng 30 katao habang 15 pa ang naiulat na nawawala.

Ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 264 na bahay ang nasira kung saan 50 rito ang tuluyang nawasak na lahat ay mula sa Matina Crossing.

Sa kabuuan ay umabot sa 12,714 na pamilya ang apektado ng kalamidad mula sa Barangay Talomo Proper, Matina Aplaya, Matina Crossing at Matina Pangi.

Napag-alaman na tumagal lamang ng tatlong oras ang buhos ng ulan na nagsimula pasado 10:00 kamakalawa ng gabi, subalit lagpas-bahay umano ang dala nitong baha. Umapaw rin ang Matina River kung kaya’t lalong lumala ang sitwasyon.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang search and rescue operations para sa mga missing persons.

Nilinaw naman ng alkalde ng Davao City na si Mayor Sarah Duterte na sa ngayon ay wala pa silang balak na magdeklara ng state of calamity sa lungsod.

Naghihinagpis pa rin ang ilang mga residente dahil tanging mahahalagang gamit lamang ang nakuha ng mga ito. Nakita rin na ilang mga sasakyan ang inanod pa ng baha.

May ilang mga residente ang pansamantalang nanunuluyan ngayon sa ilang evacuation center.

Namigay na rin ng tulong ang pamahalaang lungsod ng Davao sa mga apektadong residente.  (Pinoy Parazzi Reportorial Team)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.