P10 Dagdag-Pasahe sa LRT at MRT

NAKAHANDA NA ang pagtataas sa halaga ng pamasahe sa Light Rail Transit at Metro Rail Transit Line 1 at Line 2 ngayong Agosto at sa susunod na taon.

Ayon kay Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya, ang pag-uumpisa ng dagdag-singil ng P5 sa darating na Agosto at ang nalalabing P5 sa taong 2014.

Sinabi ni Abaya na kailangan na talaga ang pagtataas sa pasahe upang mabawi umano nila ang pagkalugi sa opera¬ting costs sa ibinibigay na subsidiya ng gobyerno para sa mga mananakay ng mga LRT at MRT.

Iginiit ng kalihim na “long overdue” na ang pagtataas. Maaari pang mausog ang dagdag pasahe sa Agosto ngunit tiniyak nito na maipatutupad ito ngayon ding taon.

Inihayag pa nito na may mga naisagawa nang public hearing noon sa termino ng mga nagdaang kalihim ng DOTC ngunit upang makatiyak na walang malalabag ay magsasagawa pa rin umano sila ng panibagong public hearing.

Tiniyak nito na papa¬kinggan ang hinaing ng publiko lalo na ng mga manananakay at dito rin paplantsahin ang panibagong fare matrix na kanilang i-patutupad.

Hindi pa man naisasagawa ang public hearing, agad nang nagpahayag ng pagtutol ang mga mananakay ng LRT at MRT habang kinondena rin ng grupong RILES Network ang plano ng DOTC.

Ayon kay Sammy Ma¬lunes ng RILES Network, tanging dagdag na kita lamang ang nasasaisip ngayon ng gobyerno at hindi ikinukunsidera ang paghihirap ng mga karaniwang Pinoy na walang pambili ng sasakyan na hindi tulad umano ng mga taga-pamahalaan ay hindi lang iisa ngunit dalawa hanggang lima ang maga¬garang sasakyan.

Iginiit nito na responsibilidad ng gobyerno ang pagbibigay ng ligtas, mura at mabilis na uri ng transportasyon sa publiko na nagbabayad ng buwis tulad ng ipinatutupad sa ibang bansa ngunit dito lumalayo umano ang gobyerno.

Samantala, naniniwala rin ang grupo na ang pagtataas sa pasahe ang umpisa na ng plano ng gobyerno na isapribado maging ang “train system” ng bansa.

Sa kaugnay na ulat, unified ticketing system ang nakikitang solusyon ng DOTC sa napakahabang pila ng mga pasahero sa LRT at MRT araw-araw.

Tatawagin itong “Automatic Fare Collection System” kung saan isang ticket na lang ang gagamitin para sa LRT at MRT.

Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, spokesperson ng Light Rail Transit Authority (LRTA), puwede nang mabili ang ticket o cards sa mga grocery stores at iba pang retail outlets bukod pa sa puwede rin itong load-an na parang cellphone.

Isa lang ito sa mga planong modernisasyon sa LRT at MRT kasunod ng napipintong pagtaas ng pamasahe.

Bahagi rin ng nasabing proyekto ang pagdudugtong ng LRT Roosevelt Station at MRT North Avenue Station. Bibili rin ang gobyerno ng karagdagang 48 bagon.

Samantala, magdadagdag din ng 8 istasyon mula Baclaran LRT hanggang Cavite na dadaan sa airport.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.