P10-B Scam Probe, Bahagi ng Reporma sa Pork Barrel Fund

HINIHINTAY NA rin umano ng Department of Budget and Management (DBM) ang resulta nang ginagawang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa sinasabing P10-bilyon na pork barrel fund scandal.

Sinabi ni Budget Sec. Butch Abad na mahalaga umanong mapag-aralan nila ang investigation report sa binabalangkas na reform plan sa paggamit at paglalaan nang kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga senador.

Una rito, kinumpirma ng kalihim na pinaglaanan ng P27 bilyon ng Palasyo ang PDAF ng mga mambabatas sa ilalim ng 2014 budget.

Nangangahulugan ito na may tig-P200 milyon pa rin na pork barrel ang bawat senador at tig-P70 milyon naman ang bawat kongresista.

Ayon pa kay Sec. Abad, gagamitin nilang basehan ang magiging rekomendasyon ng Department of Justice sa kaso para masiguro na napapakinabangan ng publiko ang pondo ng mga senador.

Nilinaw rin ng opisyal na ang P27 bilyon na congressional pork ay siyang “whole at complete allocation” na sa proposed national budget para sa susunod na taon.

Nais umano ng administrasyon na mas limitahan pa ang diskresyon ng mga mambabatas sa alokasyon ng kanilang PDAF.

Pabor din ang kalihim sa posisyon ni Speaker Feliciano Belmonte na huwag ipagugol ang PDAF ng mga kongresista sa labas sa kanilang distrito.

Samantala, paliwanag ni Abad na sa ganitong paraan ay mas magkakaroon ng papel ang nasasakupan ng mambabatas na bantayan ang pork barrel projects.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.