P1-B PDAF Scam Probe, Suportado ng Malacañang

BAGAMA’T WALA pa umanong sapat na impormasyon ang Malacañang hinggil sa panibagong pagsisiyasat ng Department of Justice (DoJ) sa isa pang Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na umaabot sa P1 bilyon tiniyak naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na suportado ng Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino ang naturang imbestigasyon.

Sinabi ni Valte na i-pinauubaya na lamang ng Malacañang sa DoJ ang pagtukoy at pagsampa ng kaso sa sinumang sangkot na opisyal maging ito man ay kaalyado ng punong ehekutibo.

Una nang inihayag ni DoJ Secretary Leila de Lima na may task force nang nakatutok sa pagsagawa ng imbestigasyon laban sa non government organization (NGO) ng negosyanteng si Godofredo Roque na hiwalay sa NGO ni Janet Lim-Napoles.

Sinabi ni De Lima na ang binuong task force sa ilalim ng Inter-Agency Anti-Graft Coordinating Council (IAAGCC) ang siyang manguna sa pagsisiyasat kay Roque na una nang ibinunyag ng labor group na Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang nabanggit na task force ay kinabibilangan din ng mga representante ng DoJ, National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman, at Commission on Audit (COA).

Kabilang naman sa mga naunang pangalan na lumabas na sinasabing nakinabang sa nasabing scam ay sina Iloilo 5th District Rep. Niel Tupas na naglaan umano ng pondo na P17.49 miyon para sa proyekton g National Agribusiness Corp. (NABCOR) at National Livelihood Development Corp. (NLDC), mag-asawang Sen. Cynthia Villar at dating Sen. Manuel Villar na naglaan din ng pondo mula sa mga taong 2007 hanggang 2009 na may inisyal amount na P200 milyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.