P1.8-B Budget Para sa Rehabilitation ng NAIA-3, Inilabas na

INILABAS NA ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1.8 bilyong pondo para sa renovation ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ito ang kinumpirma ni Manila International Airport Authority (MIAA) manager Jose Angel Honrado.

Ang nasabing pondo aniya ay para maisaayos ang 23 airport systems kabilang ang baggage handling and reconciliation system, flight information display system, building management system, surveillance system, local area network, fire alarm and protection system, at passenger loading bridges.

Sa oras na maiayos na ang mga naturang sistema ay magiging fully operational na ang Terminal 3.

Kabilang din sa isasaayos ng MIAA ang structural defect ng Terminal 3 para makapag-comply na rin sa building code.

Samantala, sinabi naman ni Honrado na tututukan ng MIAA ang mga inirereklamong problema sa mga airport taxi tulad ng pangogontrata.

Ang mga accredited na kumpanya ng taxi ang mismong magpapataw ng parusa sa mga driver na makikitaan ng paglabag tulad ng nabanggit, saad pa ni Honrado.

Samantala, maaari aniyang maharap sa dalawang araw o hanggang isang linggong suspensyon ang sinumang mapapatunayang nang-abuso sa karapatan ng mga pasahero.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.