P-Noy, Muling Pinatutsadahan ang Kiram Group

INIHALIMBAWA NI Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang krisis sa Sabah sa ibinigay na mensahe para sa mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) PUDANG-KALIS (Puso’t Dangal na Kawal ng Nag-iisang Lakas) Class 2013.

Pinatutsadahan ng Pangulo Aquino ang Sulu Sultanate, partikular ang grupo ni Raja Muda Kiram na tumungo sa Sabah na anya’y inisip lamang ang sari-ling interes.

Lehitimo man aniya ang hinaing ng mga ito ay ipinain naman ang kapakanan ng ibang kababayan na mapayapa nang naninirahan sa Sabah.

Nilinaw pa ng Pangulo na naniniwala siyang hindi dapat basta isuko ang teritoryo ng bansa, pero mas mainam aniyang idaan sa maayos na usapan ang isyu, hindi sa dahas.

Ito rin aniya ang kanyang posisyon sa isyu ng teritoryo sa China at pagbuo ng Bangsamoro.

Kaya payo niya sa 124 na nagtapos sa PMA kahapon, huwag idaan sa init ng ulo ang anumang kakaharaping gulo, bagkus ay idaan sa dayalogo at laging isipin ang kapakanan ng mas nakararaming kababayan.

Binigyang-diin pa ni Pa-ngulong Aquino na ang taumbayan ang nananatiling boss ng mga nagtapos.

Sa huli, ibinigay na rin niya ang basbas sa mga bagong kawal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Samantala, nanguna sa 124 bagong graduates ng PMA si Cadet First Class Jestony Lanaja, isang anak ng magtutuba.

Karamihan sa mga nagtapos ay papasok sa PA.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.