P-NOY, Idol si PGMA sa Pag-aalaga ng Basurang Kalihim

MUKHANG INIIDOLO ni Pangulong Noynoy Aquino si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pagdating sa pagtatalaga ng miyembro ng kanyang Gabinete.

Eh, kasi naman, parekoy, paulit-ulit na itinatalaga ni P-Noy sa posisyon ang kanyang mga kalihim kahit pa ilang beses nang ibinabasura… este, nai-bypass ang mga ito ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA).

Makailang beses nang ibinasura ng CA ang appointment nina DENR Sec. Ramon Paje, DSWD Sec. Dinky Soliman, DILG Sec. Jesse Robredo, Tourism Sec. Ramon Jimenez at Justice Sec. Leila de Lima. Pero ang mga basura… este, Gabinete, ay ayaw pa rin silang palitan ni P-Noy.

Akala ko ba’y tungo sa tuwid na daan ang gobyernong P-Noy? Eh, ba’t tila tuwang-tuwa si P-Noy sa pag-aalaga ng mga basura?

Malinaw ang mensahe ng CA na dapat mag-resign na si Paje, et al at huwag nang ipagsiksikan ang kanilang sarili. Kakapalan at kawalang kahihiyan na ang ganyan. Ano ba ang mayron sa posisyon ng mga “basurang” ito? Minahan ba ang departamento ng mga ito?

Pero dapat eh, itong si P-Noy ang mahiya. Patuloy niyang tinatangkilik ang mga taong basura sa mata ng mga miyembro ng CA.

Maalalang noong senador si P-Noy, kanyang tinuligsa si dating PGMA dahil sa pag-reappoint nang pag-reappoint sa mga Gabinete na maraming beses nang ibinabasura ng CA.

Sabi pa nga ni P-Noy noon, dapat ang mga miyembro ng Gabineteng dalawang beses nang ibinasura ng CA ay kinakailangan nang palitan at hindi na ire-appoint.

Pero ano ang nangyayari kay P-Noy ngayon? Nakain niya ang kanyang mga salita. ‘Ika nga, mahirap magsalita nang tapos.

Tulad na lamang kay Paje na masasabing tatak ng hindi kayang panindigan ni P-Noy ang kanyang mga salita.

Limang beses nang ibinasura ng CA si Paje dahil sa hindi maayos na pagtrabaho o hindi kayang gampanan ang tungkulin bilang tagapagligtas ng kalikasan. Ano ang nangyayari ngayon, ginagaya ni P-Noy ang mga estilong bugok ni dating  PGMA!

Inaalagaan pa rin ni PNoy ang mga “basurang Gabinete” niya. Ngayon, kung susuriin, lumalabas din tuloy na idolo pala ni P-Noy sa Gloria Arroyo sa pagkakanlong ng mga inutil na miyembro ng Cabinet!

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.