P.5-M, Itinakbo ng Messenger

TINUTUGIS NG mga awtoridad ang isang messenger matapos na umano’y tumangay ng mahigit kalahating milyon mula sa kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan sa Pasig City kamakailan.

Ang naturang salarin ay nakilalang  si Rodel Garate, nasa hustong gulang, at residente ng #9 Sta. Maria St., Brgy. Kapitolyo, Pasig City.

Si Garate ay inireklamo ng pagnanakaw ng ARRHA Exportation Inc. na matatagpuan sa 15th Floor, One San Miguel Building, Ortigas Center, Pasig City at kinakatawan ni Juvy Ilag, 33, accountant officer ng nasabing kumpanya.

Base sa reklamo ni Ilag kay SPO4 Geminer Tingne ng Criminal Investigation Unit ng Eastern Police District, nabatid na dakong alas-11:30 ng umaga nang Hulyo 25 nang utusan niya ang salarin na mag-withdraw ng P542,000 na pera ng kanilang kumpanya sa isang banko sa Ortigas Branch, na hindi kalayuan sa nabanggit na lugar.

Matapos na makapag-withdraw ay hindi na umano nagpakita pa ang suspek at hindi na rin umano ito umuwi sa bahay na kanyang tinutuluyan kaya’t malaki ang hinala ng mga ito na tinangay na ng mensahero ang na-withdraw na pera.

Samantala, maging ang cellphone ni Garate ay hindi na rin umano matawagan kaya’t nagpasya ang mga may-ari ng ARRHA na sampahan na ang suspek ng kaso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.