OYO SOTTO, WISH NA MAGKASYOTA NA ANG MOMMY’NG SI DINA BONNEVIE!

NATAPOS NA ANG Pebrero, Marso na ngayon. Pero katulad ng inaasahan ng mga nagdududa sa credibility ni Nora Aunor sa kanyang mga sinasabing pagbabalik sa Pilipinas, hindi na naman ito natuloy. Siyempre, itong huling naipa-ngalandakan na kanyang planong pagbabalik-bayan ay si Kuya Germs (German Moreno) ang naputukan ng sisi, dahil isa nga siya sa unang nagpahayag dati, na uuwi na nga sa bansa ang Superstar. Ang Mastershowman kasi ang isa sa pinakamalapit na kaibigan ng mommy ni Ian de Leon, kaya marami ang nag-abang at naniwala sa kanyang sinabi na darating na nga ang premyadong aktres.

Pero huwag din naman sanang sisihin si Kuya Germs, dahil nagkuwento lang naman siya ng maganda at nakasasabik na plano ng Superstar. Pero may sinabi rin naman ang Mastershowman, na mag-abang na lang din ang mga nagmamahal sa singer-actress, dahil minsan nga ay pabago-bago ang desisyon ng mommy ni Lotlot de Leon. Maging ang maraming kaibigan ni Ate Guy sa showbiz na tinatawagan pa niya dati sa cellphone at ibinabalitang uuwi na siya, ay napapabuntong-hininga na lang ngayon, dahil hayan nga raw at nagbago na naman ang plano ng Superstar.

May pinalulutang na naman ngayong balita, na kesyo kaya raw hindi na lang umuwi ng Pilipinas si Ate Guy ay dahil hindi maganda ang offer sa kanya ng isang network para sa isang teleserye. Lumalabas na suporta lang daw ang mommy ni Matet de Leon sa tunay na magbibida sa serye, at hindi rin daw bongga ang talent fee na iniaalok para sa premyadong aktres. Naku, paano namang hindi babaratin ang talent fee ni Ate Guy, kung ganyang ang mga nababalita sa kanya ay parang sobra siyang nangangailangan at ni walang sariling bahay na matutuluyan dito sa ‘Pinas kapag umuwi siya.

Text din ng kaibigan ng Superstar, isang dahilan kung bakit hindi pa rin ito makauwi ay dahil inaayos pa raw nito ang kaso sa Shinigawa.

KAHIT NAMAN ANG magkapatid na sina Danica at Oyo Sotto ay nagkagulatan din sa bilis ng mga pangyayari, na ngayong mayroon na rin silang mga sariling pamilya, ay parang naiiwan na nilang mag-isa ang kanilang mommy na si Dina Bonnevie. Pare-pareho na kasi silang busy, at hiwa-hiwalay na rin ang kanilang mga tirahan, dahil hindi man nila ginusto ay iyon na ang nangyayari sa ngayon. Ang nasabing pangyayari ay hindi raw napaghandaan ni Dina.

Naaawa siyempre si Oyo sa pag-e-emote ngayon ng kanyang mommy tungkol sa kalungkutan niya sa house kapag siya’y umuuwing mag-isa, kaya ang solusyon na lang daw ay talagang kapag maluwag na ang panahon nila ni Kristine Hermosa, ay dadalas-dalasan nila ang pagdalaw sa kanyang mommy.

“Business woman din kasi si mommy at nag-aartista pa siya. Bumilis ang takbo ng panahon sa kanya, na nagdalaga’t nagbinata na pala kaming mga anak niya, at nagkaasawa na nga, magkasunod pa, kaya nabigla rin siya,” wika ni Oyo.

Nakikita raw ni Oyo na sobrang happy ang kanyang mommy ngayong nagkakaroon na ito ng mga apo. Ibang kaligayahan daw iyon. Pero ang una siyempre sa nagpapalungkot kay Dina ay loveless nga ito ngayon.

“Nami-miss lang talaga ni mommy ‘yung nakakasama niya kaming mga anak niya. Pero kung mayroon siyang boyfriend, baka hindi siya sobrang malulungkot, dahil mayroon siyang makakasama,” sey pa ng husband ni Kristine.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.