OSMAK, Binulabog ng Bomb Threat

INILIKAS PALABAS ng Ospital ng Makati ang mga pasyente nito makaraang makatanggap ng bomb threat kamakailan.

Ayon kay Makati Police chief, Sr. Supt. Manuel Lukban, isang nurse sa OSMAK sa Brgy. Pembo ang nakatanggap ng text message dakong alas-8:40 ng umaga na nagsasabing, “Saan ninyo gusto ilagay ang bomba? Mas maganda hanapin nyo na lang. Good luck. Umpisahan nyo na. Dalawang oras meron kayo.”

Agad na inireport ng nasabing nurse ang nabanggit na text message sa pamunuan ng ospital sanhi upang ipatupad ang evacuation ng mga empleyado at pasyente sa gusali.

Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad, bumbero at emergency personnel ng Makati City Hall sa pagamutan.

Pinasok ng mga bomb experts kasama ang kanilang mga K-9 units ang gusali at isa-isang ininspeksyon ang bawat sulok ngunit nagnegatibo sa anumang uri ng bomba.

Samantala, itinanggi naman ni Lukban na may natagpuan silang kahina-hinalang bagay sa loob ng isa sa palikuran ng ospital.

Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat  ng mga kinauukulan sa natanggap na text message.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.