Oplan Goliath, Umarangkada na

UMARANGKADA NA ang Oplan Goliath ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa mga kolorum na bus at iba pang sasakyan sa EDSA.

Kahapon ng umaga nang salubungin ng mga tauhan ng MMDA at LTFRB ang mga bus galing Balintawak.

Ayon kay LTFRB Chair Winston Ginez, mayroon agad nahuling higit 10 out-of-line na bus at mga ilegal ang pagpasada na mga taxi at pribadong sasakyan.

Kasamang nangharang sa kalsada si MMDA Chair Francis Tolentino.

May isang nahuling provincial bus na biyaheng Moncada, Tarlac lamang ayon sa prangkisa pero umabot ng Quezon City.

Karamihan sa mga natiklo ay mga provincial bus. Ayon kay LTFRB Executive Director Atty. Bobbit Cabrera, marami sa mga provincial bus ay may padrino.

Ilang taxi rin ang hinuli dahil sa uncalibrated meter at improvised plate.

May ilan ring pinunang sasakyan ng BFAR at DOTC.

Ito aniya ang unang pagkakataon na nagkasama sila ng MMDA sa isang kampanya sa kalsada.

Sinasabing naging matumal ang panghuhuli dahil umano sa kumalat na text message na nag-aalerto sa mga kolorum ukol sa kampanya.

Mayroon pang ilang itatayong istasyon ang kampanya sa ibang bahagi ng EDSA na hindi tinukoy para biglain ang mga target nito.

Ayon kay Ginez, hindi nila tiyak sa ngayon ang bilang ng mga kolorum sa EDSA kaya tuluy-tuloy lamang ang panghuhuli.

Ito ay sa pamamagitan naman ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) at local traffic enforcers ng mga lungsod.

Kasabay ng nasabing kampanya, nililinaw ni Ginez na 2003 pa nang ihinto ang pag-iisyu ng prangkisa sa Metro Manila at hindi na nila muling nirerehistro ang mga bus na higit 15 taon na.

Samantala, ii-impound sa loob ng tatlong buwan sa tanggapan ng MMDA sa Ultra-Pasig ang mga nahuling kolorum na bus at pagmumultahin P6,000 kada bus unit at tiyak umanong dadaan ito sa proseso at pagdinig.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.