Opisyal ng NPD at Tauhan ng MMDA, Nanganganib Masibak

POSIBLENG MASIBAK sa tungkulin ang isang opisyal ng Northern Police District  (NPD) at kagawad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa sandaling mapatunayan nagkasala sa kasong kriminal at administratibo na isinampa laban sa mga ito sa tanggapan ng Ombudsman ng isang negosyante sa Caloocan City.

Ang nagharap ng reklamo sa Ombudsman ay si Rommel R. Aranza, residente ng # 113-Camia St., Libis Espina, Caloocan City laban kina P/C Insp. Anthony C. De Leon na nakatalaga sa NPD Traffic Enforcement Division Office (NPD-TEDO) at TC1 Arnaldo G. Gempis ng MMDA.

Kasong Anti-Graft and Corrupt Practice Act at Grave Misconduct ang isinampa ni Aranza laban kina De leon at Gempis sa tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City noong nakalipas na Hulyo 3, 2013.

Naghain din si Aranza sa Ombudsman ng Motion for Preventive Suspension dahil sa pang-aabuso sa tungkulin na nakasaad sa Section 9 ng Republic Act (RA) No. 6713 sa ilalim ng Presidential Decree (PD) No. 807.

Ayon kay Aranza, naganap ang insidente noong Hunyo 6, 2013, dakong alas-8:00 ng umaga sa kanto ng M. H. Del Pilar St. at C-3 Road, Grace Park, Caloocan City. Nakipagtagpo siya sa kanyang prospective buyer na nagngangalang Mr. Ramos para bilhin ang kanyang utility van (ULE 600, Nissan Urban). Gayunman, bandang alas-8:15 ng umaga ng nasabing araw, isasagawa na ng complainant at ng kanyang buyer ang pag-road test sa kanyang sasakyan sa naturang kalsada, biglang hinarang ni De Leon lulan ng mobile patrol car ang sinasakyang nina Aranza at Ramos, kung saan sinabihan ito na ilabas ang kanyang driver’s license at inakusahan na colorum ang kanyang behikulo dahil sa ginagamit umano niya na pampasada ang kanyang behikulo. Subalit nabigo si Aranza na ilabas ang kanyang official receipt at certificate of registration mula sa Land Transportation Office (LTO). Aminado naman ang complainant na nabigo nitong madala nang araw na iyon ang naturang resibo at sertipikasyon.

Pero, nakiusap si Aranza kay De Leon na alamin muna ng opisyal na ito sa LTO at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para malaman kung totoo ba ang naturang alegasyon nito laban sa kanya. Ayon kay Aranza, pabulong na sinabi sa kanya ng nasabing opisyal na makipag-areglo na lamang ito sa pamamagitan ng pagbabayad ng halagang P5,000 na hindi naman siya pumayag. Kaya, ipinatanggal ng opisyal kay Gempis ang plaka ng sasakyan ng complainant at tiniketan.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.