Opisyal ng Caloocan City Hall, Patay sa Pamamaril

ISANG OFFICER-IN-CHARGE (OIC) ng Anti-Hawker ng Caloocan City Hall ang pingbabaril at napatay ng isa sa dalawang riding-in-tandem habang ang biktima ay nakaupo sa beranda ng kanyang bahay sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Ang biktima na namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala ng .45 caliber pistol sa iba’t ibang parte ng katawan ay nakilalang si Antonio Lacson, 49, may-asawa, OIC ng Anti-Hawker ng Caloocan City Hall at residente ng Phase 3, Package 3, Block 62, lot 9, Barangay 176, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Base sa report ni SPO1 Allan Budios ng Caloocan PNP at may hawak ng kaso, bandang alas-9:30 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente.

Nabatid na kasalukuyang nakaupo ang biktima sa nasabing lugar nang biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang lalaki na pawang nakasakay sa walang numerong motorsiklo at mga nakasuot ng kulay itim na bonnet.

Isa sa mga suspek ay dali-daling bumaba ng motorsiklo at kaagad na pinagbabaril si Lacson na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas ang mga kriminal sa hindi nabatid na direksiyon.

Ayon sa isang ayaw magpakilalang saksi, ilang araw bago patayin ang biktima ay pinaghuhuli umano ni Lacson ang mga Muslim vendor sa Bagong Silang.

Pati umano ang mga paninda ng mga Muslim ay pinagkukuha at hindi na ibinabalik sa mga may-ari hanggang sa maganap ang pagpatay kay Lacson.

Sa kasalukuyan, patuloy na nagsasagawa ang Caloocan PNP ng mga follow-up operation upang mabatid ang pagkakakilanlan ng mga suspek at malaman ang tunay na motibo sa nasabing insidente.

(ROMAN MAGPOC) 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.