Operasyon ng VK sa Caloocan, nakalaan para sa 2013 Local Elections

AABOT NA UMANO mahigit singkuwenta porsiyento ng mga residente at mag-aaral sa Caloocan City ay pawang mga adik na sa sugal na Video Karera (VK) o evil machine na kagagawan ng sinasabing kaalyado ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri na nagnanais tumakbong congressman sa 2013 local elections.

Ayon sa ilang Caloocan City hall insider, ngayon pa lang ay pinaghahandaan na umano ito ng isang nag-ngangalang “Al” na kaalyado ng nasabing punong lungsod sa pamamagitan umano ng pagpapakalat ng mga Vk machine na mabilis na pagkakitaan.

Nabatid pa sa mga source ng Pinoy Parazzi na aabot sa 500 unit ng VK ang ikinalat na umano ni Al sa District 1 at 2, kung saan ang kikitain ay ilalaan sa nasabing halalan.

Sa DM at PNR compound na matatagpuan sa Barangay 37, sa lugar ng Kawal at Landaska, Barangay 28, sa Maypajo area, at Barangay 35 ay hayagan ang operasyon ng VK o evil machine.

Sa nasabing operasyon ng VK, ginagamit umano ni Al sa kanyang ilegal na “negosyo”ang kanyang mga tauhan at ilang tiwaling pulis upang maging maayos at kapaki-paki-nabang ang operasyon ng nasabing sugal.

Nabatid na isang“Jones” ng Pateros St. sa Maypajo area ang siyang pinag-o-operate ni Al ng may 10 makina ng VK at isang alyas “Kenneth Chua” naman ang nag-o-operate ng 50 evil machine sa Marulas area.

Sa area naman ng Bagong Barrio at Bukid area (North Caloocan), sala-salabat din ang VK operators na kinontak ni Al na siya umanong tunay na nasa likod ng gambling operation sa lungsod.

Magugunitang  mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas ay ibinulgar ng pahayagang ito ang pagsisimula ng operasyon ng VK sa lungsod ng isang nag-ngangalang “Sacho”.

Idinagdag pa ng source, si Sacho ay naghatag umano ng P2 milyon kay Al para makapag-operate ng VK sa lungsod, subalit hindi ito nagtagal dahil isa-isang pinahuli sa mga pulis sa utos din umano ni Al, at ngayon ay ito na umano ang nagpapatakbo ng nasabing iligal na sugal.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ang mga magulang at concerned citizens na sila’y nagtataka sa pananahimik ni PNP Dir. Gen. Nick Bartolome sa lantarang operasyon ng VK sa Caloocan.

Ayon pa sa mga magulang, tila hindi nababahala si Gen. Bartolome sa masamang naidudulot ng VK machine operation sa mga mag-aaral na pawang mga adik na sa pagsusugal sa evil machine.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.