Onsite Registration ng PhilHealth, Ipinatigil

KAAGAD NA ipinatitigil ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang lahat ng onsite registration at card issuance ng mga pribadong partners nito.

Ito ang ipinahayag ni Dr. Eduardo P. Banzon, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth upang muling mapag-aralan ang terms of engagement sa kasunduang ito sa mga pribadong sektor

“Pansamantala naming ipinatitigil ang lahat ng onsite registration activities na isinasagawa ng aming mga partners hangga’t matugunan ang mga dapat sundin ayon sa napagkasunduan namin sa pagpapatupad nito,” ayon kay Banzon .

Subali’t binigyang diin niya na ang registration at card issuance sa pamamagitan ng mga partners ng PhilHealth na SM Retail, Inc. at CIS Bayad Center ay magpapatuloy.

Sinabi ni Banzon na ang desisyon na pansamantalang ipatigil ang onsite registration at pagbibigay ng card ay ipinatutupad upang masusing mapag-aralang muli ang mga naunang isinagawang panuntunan, lalung-lalo na ang tungkol sa isyu ng halaga at pagbibigay ng nasabing mga PhilHealth cards.

“Nakatanggap kami ng mga ulat na nagkaroon ng iba’t ibang pakahulugan sa paggamit ng bagong PhilHealth cards, sa mga taong nagbibigay nito, at sa mga insentibong kaakibat nito. May mga naging katanungan din hinggil sa halaga ng bayad ng card kaya minabuti ng PhilHealth na muling pag-aralan ang naunang panuntunan at tingnan kung paano pa mapagaganda ang partnership na ito,” dagdag pa niya.

Matatandaang nagkaroon ng kasunduan ang PhilHealth at pribadong sektor upang mahikayat ang mga Pilipinong may kakayahang magbayad na magparehistro sa National Health Insurance Program. Sa nasabing kasunduan, walang halagang ilalabas ang PhilHealth ngunit maaaring magpataw ng makatuwirang halaga ang pribadong registration partners ng PhilHealth.

“Muli naming pag-aaralang mabuti ang mga tamang halaga na dapat singilin at muling susuriin kung maaaring mabago pa ang mga ito,” dagdag ni Banzon.

Siniguro ng pinuno ng PhilHealth sa kanilang mga partners na ang hakbang na pansamantalang pagpapatigil ng onsite registration at pagbibigay ng PhilHealth cards ay upang mapag-ibayo pa ang partnership na ito.

“Inaasahan namin na kami ay makapaglalabas ng mas pinagbuting panuntunan sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ni Banzon. Nanawagan din si Banzon sa mga iba pang pribadong kumpanya na makilahok sa public-private partnership ng PhilHealth at nananatiling positibo na “ang aming PPP partners ay lalo pang lalawig oras na mailabas ang mas pinagbuting pamantayan.”

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.