Onsehan sa droga Mister, pinagbabaril, todas

TODAS ANG ISANG mister matapos itong pagbabarilin ng dalawa sa tatlong di-pa nakikilalang kalalakihan na naka-motorsiklo matapos magkaroon ng habulan sa pagitan ng mga suspek at ng biktima dahil umano sa onsehan sa iligal na droga kahapon ng umaga sa Navotas City.

Agad na binawian ng buhay sa lugar na pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tinamong tama ng hindi mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Remigio Solitario 46, may-asawa, ng Squatter Area, Market 3, NFPC ng nasabing lungsod.

Isang masusing im-bestigasyon naman ang isinasagawa ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa tatlong suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente lulan ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Base sa imbestigasyon ni P02 Ernesto Ravera, may hawak ng kaso, dakong alas-6:20 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng Market 3, Navotas Fish Port Complex (NFPC) Navotas City.

Ilang saksi ang nakakita na humahangos patakbo ang biktima at nakita nila na hinahabol ito ng mga suspek at nang maabutan ito sa naturang lugar ay pinagbabaril ito na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Matapos ng insidente ay mabilis na nagsitakas ang mga ito sa di-malamang direksyon. Habang agad namang ipinaalam sa pulisya ang naturang insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, nasasangkot umano ang suspek sa iligal na droga at may hinalang onsehan ang motibo ng mga suspek sa pagpaslang sa biktima.  (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.