On-line basketball betting sa Abra, pinatigil Jueteng, tuloy pa rin?

BANGUED, ABRA – IPINATIGIL ang operasyon ng on-line basketball betting na halos kaparehas ng iligal na Jueteng sa lugar na ito, pero patuloy namang hindi nagagalaw ang Jueteng dahil umano sa malakas ang kapit at sa ‘padulas’ sa mga lider-pulitiko at mga awtoridad.

Natigil ang pagtaya sa Basketball 38 internet café, matapos na salakayin ng mga pulis ang bahay ng isang Amelia Pabuayan sa Borbon St., Zone 6 sa Bangued.

Nadakip sa nasabing raid si Virgilio Villacurta, 61, tubong-Isabela at head checker ng nasabing iligal na operasyon at 16 pang katao, kung saan nakuha sa kanila ang iba’t ibang paraphernalia sa pagtaya, computer software at iba pang gamit sa pag-o-operate ng Basketball 38.

Sa ‘Basketball 38’, sa on-line nalalaman ang panalo at tumataya naman ng katulad sa operasyon ng Jueteng ang mga mananaya. Naging palasak umano ang pagtaya sa on-line basketball betting matapos na maging mainit ang operasyon ng Jueteng sa lugar bunsod ng mga ulat ng ‘padulas’ sa mga opisyal ng pulisya at iba pang lokal opisyales.

Isinagawa ang nasabing pagsalakay matapos na makumpirma ni Abra police director Sr. Supt. Armando Laguiwid mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na iligal ang operasyon ng Basketball 38 na pintatakbo ng mga nagngangalang Jason Panganiban at Particio Blando sa nasabing probinsiya.

Hindi umano authorized distributor ng ISB e-pins at hindi rin aprubadong ISBS operators ng PAGCOR sina Panganiban at Blando. Sinabi pa ng PAGCOR na wala pa rin silang binibigyan ng authorization sa ABRA.

Sa kabila nito, tila tahimik naman ang kapulisan sa operasyon ng Jueteng na patuloy na umaalagwa at hindi natitinag sa Abra, kung saan ang operator umano dito at sa Ilocos Sur ay iisa lang, at kung ilang taon na ring namamayagpag. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.