Ombudsman probe vs Corona, wala sa timing

TINAWAG NA “unfortunate” ni Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago ang ginagawang hiwalay na pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman sa mga alegasyon laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Sa isang panayam, inihayag ni Santiago na magiging kumplikado lamang ang kaso dahil nagpapatuloy pa ang impeachment proceedings laban kay Corona.

“Magiging kumplikado lang doon sa impeachment trial ito namang parang preliminary investigation ng Ombudsman, dahil hindi na malalaman ng publiko kung alin bang ebidensiya sa alin bang kaso,” ayon kay Santiago.

Una rito, pinagpapaliwanag na ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang punong mahistrado sa umano’y $10 milyon na bank accounts nito.

Binigyan pa ng Ombudsman si Corona na maghain ng kanyang paliwanag sa loob ng 72 oras.

Umaasa ang senadora na hihintayin muna ng Ombudsman ang resulta ng impeachment case.

“Parang, nagiging lalo lamang mas magulo kung sa ngayon ay nag-iimbestiga kami sa impeachment trial, nag-iimbestiga rin ang Ombudsman, pareho ang iniimbestigahan naman. Sana makapagpaliban muna sila,” dagdag pa ng senadora. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.