Ombudsman, Bumuo ng Panel na Sisiyasat sa CARP Fund Scam

BUMUO NA ng special panel ang Office of the Ombudsman na direktang tututok sa pagsisiyasat kaugnay ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) fund scam.

Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na limang abogado ang bubuo sa special panel na mag-iimbestiga sa maanomalyang paggasta ng P200 milyong pondo para sa agri-business development ng CARP.

Ang naturang panel ang hahawak ng administrative adjudication para sa criminal at administrative charges na isinampa ng Field Investigation Office (FIO) ng Ombudsman laban sa matataas na opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Practices Act at Falsification of Public Documents sina dating DAR Secretary Nasser Pangandaman, Undersecretary Narciso Nieto, Director Teresita Panlilio, Chief Accountant Angelita Cacananta, Budget Officer Ronald Venancio, Cashier Nilda Baui, tatlong notary public, tatlong certified public accountant at 24 na pribadong indibidwal kabilang ang pork barrel whistle blower na si Benhur Luy.

Nahaharap rin sa dagdag na administrative charges sina Pangandaman, Nieto, Panlilio, Venancio at Baui.

Base sa 245 pahinang reklamo, inilabas at ipinagkaloob umano ng mga nasabing DAR officials ang pondo para sana sa agrikultura at livelihood project ng pitong non-government organizations (NGO) noong 2007 hanggang 2008 sa iba’t ibang probinsya sa bansa.

Samantala, nabatid na walang natanggap na pera ang mga dapat sana ay benepisyaryo ng naturang pondo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.