Tanda Ba News?: Oks ka lang ba, Beth Tamayo?

Ano na ba’ng nangyari kay Beth Tamayo? Matapos kasing patayin ang karakter niya sa seryeng Luna Mystika, naging maingay ang intrigang hiwalay na raw siya sa kanyang asawa. Pero magulo ang kuwento at imbes na magsalita siya, bigla na lang siyang naglahong parang bubble.

Isa si Beth sa magagandang artistang tumatatak sa imahinasyon ng madla.

Laman siya noon ng That’s Entertainment. Nang tumagal, kinarir niya ang akting sa mga teeny-bopper at pa-tweetums na pelikula. Umusad naman ang karir niya at napanood natin siya sa mga action film kasama ang action stars na sina Ian Veneracion, Romnick Sarmienta, Ricky Davao, John Regala, Ronnie Ricketts, Raymart Santiago, Joko Diaz, at maging si Jinggoy Estrada.

Pagpasok ng 2000, sa TV naman siya rumampa. Paminsan-minsan, sumasabak siya sa pelikula. Huli niya ang Ploning na iprinodyus ng bestfriend niyang si Judy Ann Santos.

Natuwa ang marami nang makitang aktibo na ulit ang karir ng aktres. Pumirma pa nga siya ng kontrata with Annabelle Rama bilang bagong talent sa kuwadra ni Bisaya. ‘Yun nga lang, habang bini-build up ang karakter n’ya sa Luna Mystika, bigla raw siyang nag-e-mail kay Rama at nakiusap na patayin na ang kanyang karakter dahil may mga problema siya sa pamilya na kailangan niyang tutukan at ayusin.

Ang nasagap naming chika, nasa Canada raw si Beth para ayusin ang business problems ng asawang si Johnny Wong.

Nakilala ni Beth si Johnny habang nagsu-show siya sa Guam. Nang ipakilala sila sa isa’t isa, ginabi-gabi na raw ni Johnny ang panonood sa 10-day show ng aktres. ‘Yun ang naging simula ng lahat.

Nakabase si Johnny sa Guam pero araw-araw niyang tinawagan sa ‘Pinas si Beth. Nagtutungo pa nga raw si Johnny rito sa bansa upang makasama lang ang sinisinta. Ikinasal ang dalawa noong Mayo 30, 2004 matapos ang matiyagang panliligaw ni Johnny kay Beth.

Alam n’yo ba na hindi nakadalo si Beth sa kasal ng BFF niyang si Judy Ann? Maging ang close friends ni Beth, walang alam o tahimik sa kung ano ang pinagdaraanan niya ngayon.

Kung anu’t anuman, hiling namin dito sa Pinoy Parazzi na sana’y malampasan ni Beth ang mga problema niya ngayon (lalo na ang gusot nilang mag-asawa). Ang chaka naman kasi kung daragdag pa sila sa mga couple na nauwi sa sad ending ang nakakikilig na love story, ‘no!

Ni Mayin de los Santos

Photos by Mark Atienza, Robert Plaza and Parazzi Zoon


loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.