Oil spill at fishing ban sa Cavite; 3K pamilya, apektado

NAGPATUPAD NG fishing ban ang pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Mangement Council (NDRRMC) sa mga lugar at bayan na apektado ng oil spill sa karagatan ng Cavite.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Eduardo del Rosario na umaabot na sa 3,000 pamilya ang apektado ng oil spill sa karagatan ng Rosario, Cavite at kumalat na rin sa mga karatig na bayan ng Naic, Tanza at Ternate.

Base sa impormasyon, unti-unti na ring gumagapang ang langis patungo sa Corregidor Island.

Ayon kay del Rosario, 31 barangay sa mga bayan ng Rosario, Tanza at Naic ang apektado ng oil spill na tumagas mula sa M/T Makisig, ang contractor ng Petron Corporation matapos na mag-load ng langis sa terminal nito sa naturang bayan.

Sa ngayon, sinabi ni del Rosario na patu¬loy nilang mino-monitor ang sitwasyon ng oil spill hinggil sa matinding epekto sa kabuhayan at kalusugan ng mga mamamayan partikular na sa coastal town ng Rosario, na pinakagrabeng naapektuhan.

Nasa 300 mangingisda sa bayan ng Rosario ang dumadaing matapos maapektuhan ng oil spill ang kanilang kabuhayan.

Inalerto na rin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at ng mga Local Go¬vernment Units (LGUs) ang mga Brgy. Chairman upang hikayatin ang mga residente na tumulong sa pagtatanggal ng kumalat na langis sa karagatan.

Ang Philippine Coast Guard (PCG) ay kumuha na rin ng fuel samples para isailalim sa pagsusuri ng Marine Environmental Laboratory hinggil sa pagsisiyasat sa pagtagas ng langis habang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay nagsasagawa nang masusing imbestigasyon kaugnay sa lawak ng pinsala ng oil spill.

Sinasabing nasa 500,000 litro (132,000 ga¬lon) ng diesel fuel ang tumagas at kumalat sa karagatan. Maging ang mga corals ay apektado na rin ng oil spill.

Nagbabala na rin ang Department of Health (DOH) sa publiko  na delikado sa kalusugan pagtampisaw at pagla¬ngoy sa Manila bay, sa bahagi ng Rosario, Cavite dahil sa oil spill.

Samantala, inihayag ni Dr. Eric Ta¬yag, Assistant Secretary at hepe ng National Epidemiology Center ng DOH, mapanganib ang paglangoy sa lugar dahil sa posibilidad na makainom ng petroleum content ng tumapong langis sa tubig.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.