OFW na Nasa Death Row, Bigyan ng Konsiderasyon – Palasyo

HUMILING ANG Palasyo ng humanitarian consideration sa kaso ng overseas Filipino worker (OFW) na si Joselito Zapanta na kasalukuyang nahaharap sa bitay sa Saudi Arabia sa Enero 2014.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., dati nang patakaran ng kasalukuyang administrasyon na protektahan ang buhay at karapatan ng mga Pinoy sa ibang bansa.

“Malinaw naman po ang record na sa lahat ng pagkakataon na maaari namang makiusap sa pamahalaan at sa pamilya ng mga naging biktima, hindi naman po nagkulang ang ating pamahalaan sa pagbibigay ng suporta sa kanila,” pahayag ni Coloma.

Kasabay nito, inihayag ng opisyal ng Malacañang na isinusulong ng pamahalaan ang komprehensibong kampanya upang mabigyan ng edukasyon ang mga Pinoy sa mga batas sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan.

Una nang nagpahayag ng pangamba si Vice President Jejomar C. Binay na posibleng bitayin si Zapanta sa susunod na buwan kung hindi mababayaran ang apat na milyong Saudi Riyal bilang blood money sa kamag-anak ng napatay nito.

Patuloy pa ring humihingi ng tulong si Binay, na Presidential Adviser on OFW Concerns, para sa nasabing Pinoy dahil hindi pa paso ang deadline noong Nobyembre 3 na itinakda para sa kabayaran ng blood money.

Matatandaan na nahatulan ng kamatayan si Zapanta sa pagpatay kay Imam Ibrahim, isang Sudanese, sa Saudi Arabia.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.