Tanda Ba News?: O, si Maricel at Anthony ‘yun, ha?

Kung kinalakhan n’yong manood ng star-studded na GMA Supershow with German Moreno, malamang nabighani rin kayo ng ganda ni Maricel Laxa, ‘noh!

Siya lang naman kasi ang panganay ng celebrity couple na sina Imelda Ilanan at Tony Ferrer. Ipinanganak si Ma. Cecilia noong Pebrero 25, 1970 at

nag-aral ng BS Social Sciences sa University of the Philippines-Manila at Master’s degree in Family Life and Child Development naman sa University of the Philippines-Diliman.

Supporting roles (drama at comedy) ang kinarir ni Maricel nu’ng kasagsagan ng kanyang karir. Pero nang gumanap siya sa 1992 movie na Iisa Pa Lamang, nagwagi siya ng Best Supporting Actress award mula sa FAMAS. Nanalo rin siya sa parehong kategorya mula sa Gawad Urian at Star Awards para sa Minsan Lamang Magmahal.

Alam n’yo ba na naging dyowa ni Tonton Gutierrez  si Maricel? Pero nang makilala niya si Anthony Pangilinan, na TV host/ MC, newscaster, at commercial model, na-inlove siya rito nang bonggang-bongga.

Nagpakasal ang dalawa noong Disyembre 1993 at mula noon, nagpreno muna si Maricel sa showbiz at tinutukan ang pagiging asawa kay Anthony at ina sa kanilang apat na tsikiting.

May mga problema rin sina Maricel at Anthony gaya ng ordinaryong mag-asawa. Nandiyan ang pagkakasakit sa puso ng isang anak nila, ang sinasabing kakulangan sa oras para sa isa’t isa, ang naudlot na pagbubuntis ni Maricel, at marami pang iba.

Pero matibay ang kapit sa Diyos ng mag-asawa kung kaya naman super-blessed sila na hindi naman nila nalilimutang ibahagi sa iba.

Pasulput-sulpot lang si Maricel sa TV at pelikula dahil ayaw nga niyang ikumpromiso ang oras niya para sa kanyang pamilya. Si Anthony naman, super-abala bilang chief trainer sa kanyang kumpanyang Business Works, Inc.

Ni Mayin de los Santos, Photos by Fernan Sucalit and Parazzi Zoon


loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.