Nurse, Hinoldap na, Minanyak pa

BUKOD SA hinoldap na, pinagtangkaan pang pagsamantalahan ang isang nurse ng tatlong suspek, kamakailan sa Makati City.

Ang nasabing biktima na itinago lamang sa pangalang Maya, 22, ay naninirahan sa Brgy. Pinagkaisahan ng nabanggit na siyudad.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ng Station Investigation Branch (SID) ng Makati City Police, nangyari ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa kanto ng Harvard St., at Kalayaan Avenue, Brgy. Pinagkaisahan habang naglalakad ang biktima sa naturang lugar patungo sa kanyang pinagtatrabahuhang ospital nang biglang sumulpot sa likuran nito ang isa sa mga salarin.

Tinutukan ang biktima ng patalim at isinakay sa isang kulay puting kotse na hindi niya nakuha ang plaka.

Sa loob ng kotse, nandoon pa ang dalawang suspek na nagdeklara ng holdap sa dalaga.

Tinangkang gahasain ang biktima kung saan ay sinimulan na itong paghihipuan sa maseselang bahagi ng katawan.

Saka lamang tumigil ang mga holdaper nang magmakaawa ang biktima at matapos makuha ang kanyang cellphone at pera saka lamang ito pinakawalan kung saan ibinaba sa area ng San Juan City.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagsisiyasat sa nasabing insidente.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.