Nuclear Plant, Solusyon sa Power Crisis – Enrile

PANAHON NA umano para pag-aralan ng pamahalaan ang pagtatayo ng nuclear power plant bilang pangmatagalang solusyon sa nararanasang krisis sa enerhiya sa bansa partikular na sa Mindanao.

Ito ang isinulong ni Senate President Juan Ponce Enrile sa harap ng banta na maaaring lumawak pa sa Luzon at Visayas ang krisis sa supply ng kuryente na nararanasan sa Silangang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Enrile na wala nang ibang pangmatagalang solusyon kundi ang pagsasakatuparan ng nuclear power plant.

“Ayaw man natin ang nuclear power plant, panahon na pag-isipan natin dahil wala nang ibang solusyon. Ang nuclear power ay mayroon namang technology na mga safe,” ani Enrile.

Hindi rin umano dapat ipangamba na ang ating bansa ay nasa Pacific Ring of Fire dahil halos lahat ng bansa ay nakararanas ng kalamidad.

“Lahat ng bansa ay pumuputok ang bulkan, sa Hapon, sa Tsina. Hindi p’wede yong 100 percent ligtas, kahit na ikaw naglalakad ka sa kalye tatamaan ka ng bisikleta mamatay ka eh,” saad pa ng senador.

Ayon pa rin sa pangulo ng Senado, inaasahan na ang paglawak ng problema sa supply ng enerhiya sa bansa dahil dumadami ang bilang ng populasyon maging ang mga pagtatayo ng negosyo kaya’t aasahan na magiging buong bansa ang makararanas ng krisis sa enerhiya.

Ngayon pa lamang ay kailangang umaksyon ng pamahalaan at ibayong pag-aaral kung paano resolbahin ang problema, dagdag pa ni Enrile.

Bilang short term solution isinulong ng senador ang paghila ng mga mobile power barge at dalhin sa Mindanao upang pansamantalang mabigyan ng lunas ang nararanasang energy crisis habang inaayos ang mga planta.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.