NPD Chief, Pinasisibak Dahil sa Kawalan ng Silbi

 

NADIDISMAYA ANG mga kaanak ng dalawang pulis at iba pa na naging biktima ng ambush dahil umano sa kawalan ng kakayahan ni Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Antonio Decano para malutas ang mga nagaganap na insidente ng pagpatay sa kanyang nasasakupan.

Ayon sa mga kaanak ng dalawang pulis na pinaslang na sina PO1 Christopher Estor, nakatalaga sa Navotas Police; at SPO1 Manolo Caoili ng HPG Motor Vehicle Clearance ng Pasig City, hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling inutil at walang silbi ang ginagawang imbestigasyon sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Magugunita na noong nakalipas na Marso 21, 2012, bandang alas-12:10 ng umaga ay binaril at napatay si PO1 Estor ng isang sinasabing notoryus na drug pusher sa North Bay Boulevard North (NBBN), Navotas habang sinisita ng biktima ang suspek sa hindi nito pagsusuot ng helmet.

Samantala, si Caoili naman ay binaril at napatay ng dalawang hindi nakikilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo noong Marso 23, 2012 sa kahabaan ng 10th Ave., Caloocan City habang sakay ng kanyang kotse dakong alas-4 ng hapon.

Sinabi pa ng mga kaanak ng mga biktimang pulis, dapat nang magbitiw si Decano sa kanyang posisyon sa dahilang wala itong kakayahan upang malutas ang mga patayang nagaganap sa kanyang area of responsibility.

Anila, lagi umanong nagtutulog-tulugan sa pansitan si Decano at nagpapalaki lamang ng bayag sa kanyang malamig na tanggapan, at ang pinag-aaksayahan lang umano nito ng isip ay kung paano mapapalaki ang parating ng mga gambling lord.

Dahil dito, sumisigaw ang mga kaanak ng dalawang pulis ng hustisya, at nagsasabing “General Decano, magtrabaho ka naman, para malutas mo ang mga nagaganap na patayan sa iyong nasasakupan!”

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.